Kukomprontahin sa Kamara at Senado CUSI PURO YABANG – SOLON

MAGIGISA sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi sa gitna ng nararanasang aberya sa suplay ng kuryente sa Luzon.

Sisingilin umano ni House deputy minority leader Carlos Zarate si Cusi dahil mas inuuna nito ang pagpapanatili sa kanyang among si Pangulong Rodrigo Duterte sa kapangyarihan kesa sa suplay ng kuryente.

Sa araw na ito, ay magsasagawa ng moto propio investigation ang House committee on energy kaugnay ng sunod-sunod na yellow at red alert status sa idineklara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente na naging dahilan din ng mga rotating brownout.

“Ating singilin ang administrasyong ito lalong-lalo na si Secretary Cusi sa kanyang kapabayaan sa pamamahala sa Department of Energy dahil ang kanyang pinagkakabisihan ngayon ay kung papaano manatili pa sa kapangyarihan ang kanyang among si Pangulong Duterte at all cost,” ayon kay Zarate.

Si Cusi, vice chairman ng PDP-Laban ang nanguna o namuno sa national assembly ng kanilang partido noong Lunes kung saan pinagtibay ang isang resolusyon na humihimok kay Pangulong Duterte na tumakbo bilang vice president sa 2022 elections.

Ayon kay Zarate, kailangang panagutan ni Cusi ang pagpapabayang ito at maging ang pagbubulag-bulagan sa modus umano ng Generation Companies (GenCos) na tuwing tag-init na lamang ay sabay-sabay na nagsa-shutdown.

“Hindi puwedeng hindi singilin si Secretary Cusi dito dahil siya mismo ang nagsabi noon, he assures na hindi magkakaroon ng power interruption. We all know na puro pagmamayabang lang ang ginawa ni Secretay Cusi dahil sa kanyang panunungkulan, kulang na kulang o hindi niya natugunan ang problema (sa enerhiya),” ayon pa sa mambabatas.

Hindi aniya mangyayari ang problemang ito kung tinututukan ni Cusi ang kanyang trabaho sa halip na inuuna ang pagtiyak na hindi makakasuhan si Duterte pagsapit ng Hunyo 30, 2022 sa pagtatapos ng termino nito bilang pangulo.

Sa Senado, itinakda na rin ni Senador Sherwin Gatchalan ang imbestigasyon ng Senate energy committee tungkol sa matinding browouts sa Luzon kamakailan.

Tinumbok ni Gatchalian na kokomprontahin at gigisahin ng mga senador ang pamunuan ni Cusi.

Nitong Hunyo 1, umabot sa 339,000 kabahayan sa 90 barangay ng labing-anim na local government units (LGUs) ang nawalan ng kuryente kung saan nakasama ang dalawang vaccination centers sa Valenzuela City.

Si Gatchalian ay residente ng Valenzuela kung saan alkalde at kongresista ang kanyang dalawang kapatid.

Tinuran ni Senador Gatchalian na titindi pa ang brownouts sa napakaraming bahagi ng Luzon dahil “sa mga susunod na araw, base sa pagtatayang nakikita ko, mayroon pang mga kakulangan sa supply na nakaamba sa darating na walong araw”.

Kapansin-pansing masyadong abala si Cusi sa pagkukumbinsi ng kanyang paksyon sa Partido Demokratiko Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-Laban) kay Pangulong Duterte na tumakbo itong bise-presidente sa eleksyong 2022.

Bilang vice-chariman ng PDP-Laban, si Cusi pa ang nangunguna sa paghahanda ng Partido ni Duterte sa eleksiyon sa susunod na taon.

Nabalita sa media na wala si Cusi nang magkaroon ng press conference kamakailan ang DOE ukol sa kuryente.

Ayon sa bagitong senador, “dapat na panagutin ang DOE sa mga pagkukulang nito na matugunan ang mga problemang may kinalaman sa kuryente mula pa noong 2016”.

Ipinaalala ni Gatchalian sa pangkat ni Cusi ang imbestigasyon ng Senate energy committee noong Abril 27 kung saan “siniguro ng DOE na walang high risk sa kakulangan ng suplay ngayong summer season”.

“[H]indi nangyari [ang pangako ng DO]. [N]aranasan ng iba’t ibang lugar sa Luzon ang rotational brownouts mula Mayo 31 hanggang Hunyo 1 matapos magkaroon ng red alerts”, patuloy ng mambabatas.

Ang layunin ng panibagong pagkmnpronta at pagbusisi sa mga opisyal ng DOE ay “upang mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang kakulangan sa suplay ng kuryente lalo na tuwing summer season”, paliwanag ng senador.

Limang taon nang suliranin ng bansa ang kuryente sa bansa, dugtong ng senador. (BERNARD TAGUINOD/NELSON S. BADILLA)

195

Related posts

Leave a Comment