ISA ang patay at dalawa ang malubhang nasugatan nang magkaroon ng rambol sa New Bilibid Prison (NBP) noong isang araw.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng BuCor na si Gabriel Chaclag sa mga reporter ang insidente noong Huwebes ng gabi.
Hindi binanggit ni Chaclag ang pagkakakilanlan ng mga biktima ngunit inamin niyang sinaksak hanggang mapatay ang isa. Ang dalawa namang sugatan ay itinakbo sa ospital.
Inutusan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang liderato ng BuCor na magsumite ng ulat hinggil sa insidente.
Tiniyak ni Guevarra na kukwestyonin niya at parurusahan ang mga opisyal ng BuCor kung kulang at hindi kumpleto ang ulat.
Nagkaroon na rin ng gulo sa NBP noong Oktubre 2020 na ikinamatay ng siyam na mga biktima.
Pagkalipas ng isang buwan, sumiklab uli ang rambol na nauwi sa tatlong napatay na mga bilanggo at 64 ang sugatan. (NELSON S. BADILLA)
229
