BELMONTE, QCPD ‘TIKLOP’ KAY PUMAREN

HINDI talaga nawawala ang palasakasan system sa bayan ni Juan Dela Cruz.

Bakit kamo?

Partikular itong naganap sa Quezon City na pinangangasiwaan sa ­ngayon ni Mayor Joy Belmonte kung saan maraming nakapansin sa

­”superspreader event” ni Quezon City Major Leader Franz Pumaren sa Brgy. Old Balara kamakailan.

Nagkaroon ng “community pantry” si Konsehal Pumaren sa nasabing barangay na dinagsa ng 6,000 residente.

Batay sa press ­release ng administrasyon ni Belmonte, posibleng ­kasuhan nito si Pumaren dahil ­superspreader event ng coronavirus ­disease

2019 (COVID-19) ang ­community pantry ng konsehal.

Press release lang ang nagawa ng administrasyon ni Belmonte, sapagkat hindi kinasuhan si Pumaren.

Hanggang “show cause order” lang ang ginawa ng administrasyon ni Belmonte laban kay Pumaren.

Kamakailan, inihayag ni Belmonte na bahala na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kay Pumaren.

Ipinasa ni Belmonte ang bola sa DILG upang si Sec. Eduardo Año na ang magdesisyon kay Pumaren.

Ano ito? Naduwag ang administrasyon ni Belmonte kay Pumaren?

Ibig sabihin, hindi nito kayang kasuhan ang konsehal?

Sana, hindi nagsabing kakasuhan nito si Pumaren.

Kamakailan, ­naglabas din ng press release ang Quezon City Police ­District (QCPD) kung saan ­inabsuwelto nito si Pumaren sa pinaniniwalaang “health protocol violation” dahil may “proper coordination” daw ang konsehal sa “concerned agencies” bago ilunsad ang community pantry.

Ayaw n’yo lang aminin na hindi n’yo kayang kasuhan si Pumaren sa pinaniniwalaang paglabag nito sa mga health protocol.

Obyus sa inyong mga pahayag na ipinagtanggol n’yo pa ang konsehal mula sa nakita sa litrato ng ­community pantry ni Pumaren na siksikan ang mga tao.

Nakatanggap ng impormasyon ang PUNA na pitumpo’t tatlo raw ang ­nagpositibo sa COVID-19, batay sa resulta ng swab test sa mga nagsidalo sa community pantry ni Pumaren.

Sino ngayon ang ituturo ninyong may kasalanan sa superspreader event ni Pumaren?

Sa pananaw ng PUNA, tatlong grupo ang nagpabaya rito.

Ito ang mga opisyal ng Brgy. Old Balara, sa ­pangunguna ni Kapitan ­Allan Franza, hepe ng pulisyang nakakasakop sa lugar at pangunahin si Konsehal Pumaren mismo.

Imposibleng hindi nalaman ni Kapitan Franza at ng hepe ng pulisya sa lugar ang nangyaring siksikan ng 6,000 katao sa community pantry ni Pumaren.

Dahil elected official ang sinasabing lumabag sa health protocol ng ­gobyerno ay pinagpasa-pasahan ninyo ang pagdedesisyon sa pagbibigay ng parusa kay Pumaren.

Kung ordinaryong tao ang pasimuno ng community pantry, siguradong swak agad siya sa kulungan.

Pero, dahil elected official si Pumaren, balewala sa inyo.

Matibay ang patunay na nagkalat ang virus sa community pantry ni Pumaren dahil 73 tao nga ang nagpositibo sa COVID-19.

Inaantay pa ang resulta ng ilang na-swab test sa mga dumalo sa community pantry na posibleng ­madagdagan pa ang bilang ng nagpostibo.

Malinaw na may palakasan system sa ­bayan ni Juan, partikular sa ­Quezon City.

Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi pa rin makalimutan ng taumbayan ang manyana party ni dating PNP Chief Gen. Debold Sinas na ginawa sa kasagsakan pa man din ng lockdown sa bansa.

Kaya, noon hanggang ngayon ay marami pang opisyal ng gobyerno ang lumalabag sa health protocol dahil wala namang naparurusahan.

Hindi na sana gumawa ng mga patakaran, o batas, kung hindi rin lang susundin ang mga ito ng mismong mga opisyal gobyerno.

Sayang lang ang effort at gastos ng gobyerno.

Ang tamaan ay ‘wag magagalit, trabaho lang, walang personalan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

190

Related posts

Leave a Comment