INAPRUBAHAN ng Manila City Council, sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang P7.5 milyong budget para sa accident insurance ng barangay officials ng lungsod.
Masayang ibinalita ng alkalde ang Letter of Confirmation nitong Lunes, sa ceremonial signing kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, Department of Interior and Local Government-Manila City Director Atty. Rolynne Javier, CESO V, at mga opisyal mula sa Government Service Insurance System (GSIS).
Sa nasabing budget, 45,700 barangay officials ang mabebenipisyuhan ng insurance coverage, kabilang ang Punong Barangay, Sangguniang Barangay Member, Sangguniang Kabataan Chairperson, Barangay Secretary, Barangay Treasurer, mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa at maging ang mga miyembro ng Barangay Tanod Brigade.
“Sinosoga natin sila sa frontlines kaya kailangan ito. Matagal na naming pangarap ito para sa mga barangay official,” ayon kay Moreno.
Ayon sa GSIS, ang bawat opisyal ng barangay ay magkakaroon ng accidental death compensation na P150,000; medical reimbursement na P15,000, at burial assistance na nagkakahalaga ng P10,000.
Ang naturang insurance provision ay nakasaad sa Resolution No. 1, series of 2021 ng Manila Peace and Order Council (MPOC) at alinsunod sa pagpapatupad ng 2020 to 2022 Manila Peace and Order and Public Safety Plan. (RENE CRISOSTOMO)
239 