(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MISTULANG bulag sa jueteng ni alyas “John Yap” ang direktor ng Philippine National Police (PNP) sa Cavite dahil namamayagpag pa rin ang ilegal na sugal ng nabanggit na pinaniniwalaang gambling lord.
Halos magdadalawang taon na si Colonel Marlon Santos bilang PNP provincial director sa Cavite, ngunit wala pang kagila-gilalas at kahanga-hangang accomplishment ito laban sa jueteng ng nasabing John Yap.
Kahit umatake at nananalasa ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa Cavite ay nagpatuloy ang mga ilegal na sugal, kabilang ang jueteng.
Napasama sa tinawag na “NCR Plus” ang Cavite ngunit patuloy ang pajueteng sa lalawigan.
Hindi tumigil ang mga kubrador sa kaiikot sa lahat ng butas ng jueteng sa mga lungsod at bayan ng Cavite nang hindi man lang sila dinadampot ng mga pulis, samantalang tumatanggap sila ng pera sa mga mananaya ng ilegal na jueteng, sa panahong napakahigpit ng administrasyong Duterte sa pagkilos ng mga tao at pagnenegosyo ng mga lehitimong negosyante dahil sa napakatinding pananalasa ng COVID-19.
Kung lantarang umaarangkada ang jueteng ni alyas John Yap na “Roleta ng Bayan” ang gamit sa mga tatayaang kumbinasyon ng mga mananalong numero, ibig sabihin, hindi sinunod at patuloy na hindi sinusunod ni Colonel Santos ang utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa source ng SAKSI Ngayon, naagaw ng pangkat ni Yap sa jueteng lord na si alyas “Arisa” ang jueteng sa Cavite.
Kinumpirma ito ng kampo ni Yap.
Naganap ang pang-aagaw sa jueteng noong si Major General Vicente Danao Jr. pa ang direktor ng Calabarzon.
Brigadier general ang ranggo ni Danao noon.
Ayon sa hiwalay na source ng SAKSI Ngayon na ‘kilala’ sa NCR hanggang Cavite at Pampanga, ganoon talaga sa jueteng.
Pagalingan lang ‘yan, ratsada ng source.
At depende sa ‘hatag’ ‘yan, dugtong niya.
Idiniin niya na hindi nakagugulat na mawala si alyas Arisa sa jueteng sa Cavite at iba pang bahagi ng Calabarzon.
Totoo ito dahil nakuha rin ni alyas John Yap ang pajueteng sa Rizal mula sa ibang gambling lord.
Mayroong natisod na impormasyon ang investigative reporter na ito na naagaw na raw ni alyas “Renel” kay Yap ang Rizal.
Ang Renel ding ito ang nakakuha ng pajueteng sa Caloocan City.
Sa kasalukuyan, wala nang gumagalaw sa jueteng ni Renel dahil ang pinansiyer niyang si “Reyna”, o “Tita” na nakabase sa Laguna ay ‘napakalakas’ ng kapit dahil sa ‘kamag-anak’ umano nitong “colonel” sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kahit ang kanyang “EZ2” at “lotteng” ay ‘sobrang malaya rin ang operasyon.
Ipinalit ni dating PNP Chief Debold Sinas si Brig. Gen. Felipe Natividad kay Danao.
Nang maupo si General Guillermo Lorenzo Eleazar bilang hepe ng PNP, tinanggal niya si Natividad sa Calabarzon at itinalaga si Brig. Gen. Eliseo DC Cruz na direktor ng Southern Police District (SPD).
Mula noong Mayo 8 ay halos araw-araw nang nagsasalita si Eleazar sa media sa kanyang mga gagawin upang manumbalik ang “respeto” at “tiwala ng mamamayan sa pambansang pulisya.
Idiniin ni Eleazar na lilinisin niya ang PNP mula sa mga tiwali at korap na mga opisyal at miyembro ng organisasyon, kabilang na ang recruitment system sa mga naghahangad maging pulis.
Sa pagtalaga ni Eleazar kay Cruz bilang regional director ng PNP-Calabarzon ay maraming sumusubaybay at nagmamatyag sa gagawin ni Brig. Gen. Cruz sa adyenda ni Eleazar na paglilinis ng PNP mula sa korapsyon, kabilang ang pagtanggap ng lingguhan, o buwanang ‘tara’ mula sa mga gambling lord.
Mahigit isang buwan na si Cruz sa kasalukuyang puwesto, ngunit wala pang balitang nakararating sa Camp Rafael Crame na winalis na niya ang jueteng at iba pang ilegal na sugal sa buong Calabarzon, kabilang na ang Cavite na imperyo ngayon ni alyas John Yap.
502 