Kahit dedmahin ang ICC PANININGIL KAY DUTERTE TULOY – SOLONS

TULOY ang pagpapanagot kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga pagkamatay na naganap sa ilalim ng ikinasang giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.

Ganito ang tugon ng ilang militanteng mambabatas kasabay ng kanilang pagbubunyi sa kahilingan ni outgoing International Criminal Court Prosecutor Fatou Bensouda na magsagawa ng full investigation sa drug war-killings sa Pilipinas.

Ayon kina ACT party-list Rep. France Castro at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, isang hakbang ang request ni Bensouda, para mapanagot si Duterte at mga kasabwat nito sa kanilang nagawa umanong crime against humanity.

“We welcome the request of ICC prosecutor Fatou Bensouda to open an investigation on the situation in the Philippines, citing reasonable basis that crimes against humanity were committed in Duterte’s drug war from July 1, 2016 to March 2019,” ani Castro.

Base sa mga report, hindi bababa sa 6,000 katao ang napatay ng mga pulis sa kanilang anti-drug war sa kasagsagan ng Oplan Tokhang mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 2019.

Hindi pa kasama rito ang libu-libo katao na pinaghihinalaang tulak at gumagamit ng ilegal na droga na napatay ng mga riding-in-tandem na hanggang ngayon ay wala umanong napanagot.

“There will be no impunity for him and his cohort of executioners. He cannot escape justice for the tens of thousands of Filipinos slaughtered at his behest,” ayon pa sa mambabatas.

Sinabi naman ni Elago na kahit hindi sumailalim si Duterte sa ICC investigation, naniniwala ito na darating ang panahon na mapapanagot ang pangulo sa kanyang mga krimen sa mga Filipino.

Wala umanong plano ang mga ito na tumigil hangga’t hindi napanagutan ni Duterte at kanyang mga kasabwat ang pagkamatay ng libu-libong Filipino na sinasabi nilang nanlaban.

 

Tablado sa Palasyo

Kaugnay nito, pinalagan ng Malakanyang ang naging hakbang ni ICC prosecutor Fatou Bensouda na iakyat na sa pre-trial chamber ng International Criminal Court ang crime vs humanity na isinampa laban kay Pangulong Duterte.

Giit ni Presidential spokesperson Harry Roque, maling-mali ang hakbang ni Bensouda makaraang magkaroon na ito ng konklusyon sa ginawang preliminary investigation sa umano’y crime against humanity.

Diing pahayag ni Sec. Roque, legally eroneous at politically motivated ang hakbang na magsagawa na ng pormal na imbestigasyon sa akusasyon laban sa Chief Executive gayung wala naman aniyang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas lalo’t hindi na nito miyembro ang bansa.

Aniya pa, hindi kailangang manghimasok ng mga dayuhan sa usaping ito dahil gumagana naman ang justice system sa Pilipinas.

Bukod dito, kailangan din mapansin kung sino-sino ang nasa likod ng reklamong isinampa sa International Criminal Court na kung saan ang isa dito’y nag-aambisyon pa nga aniyang maging pangulo ng Republika.

Kumpiyansa rin ang Malakanyang na hindi papasa sa pre-trial chamber ang hinihirit ni Bensouda na formal investigation at ire-reject din ito. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

96

Related posts

Leave a Comment