NADAKIP sa ikinasang follow-up operation ng Airport Police Department sa Calasiao, Pangasinan ang dalawang Nigerian national na umano’y mga utak ng Honey Love Scam, gayundin ang dalawang Filipina na kinakasama ng mga dayuhan.
Kinilala ni APD PIID OIC head, Lt. Jesus Ducusin ang mga arestado na sina Promise Iwunamara at Oliver Ugonna, at ang kinakasamang mga Filipina ng mga ito na sina Ernestila Sumaoang at Shirley Nalo.
Napag-alaman, nagkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad makaraang magsumbong ang isang biktima na hiningian umano ng pera ng mga suspek.
Makaraang makipag-ugnayan sa lokal na pulisya ay inaresto ng mga tauhan ng APD ang mga suspek habang kinukuha sa isang remittance center ang perang padala ng kanilang biktima sa Honey Love scam.
Pansamantalang nakadetine ang mga suspek sa APD-PIID at nakatakdang sampahan ng kaso sa Pasay City Prosecutors Office.
Nabatid na sa Honey Love scam ay kukunin ng mga suspek ang loob ng biktima nilang Filipina sa pamamagitan ng social media at paiibigin ito.
Kapag pumayag ang biktima sa “virtual relationship” ay hihingan na ito ng pera ng mga suspek. (DAVE MEDINA)
414
