CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cavite Police hinggil sa natagpuang ilegal na droga sa loob ng comfort room ng isang kilalang fastfood restaurant sa Bacoor City noong Huwebes ng umaga.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Albert Maducdoc ng Bacoor City Police, dakong alas-10:45 ng umaga nang matagpuan ng isang Sarabeth Habla, isang service crew, ang isang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu sa likod ng toilet bowl sa loob ng comfort room ng mga babae sa 2nd floor ng fastfood restaurant sa Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa salaysay ni Habla, naglilinis siya sa loob ng CR ng mga babae nang napansin ang isang plastic bag sa likod ng toilet bowl kaya agad nitong ipinaalam kay Hazel Manalaysay, administration manager, na siyang nag-report sa pulisya.
Isasailalim sa confirmatory examination ng Cavite SOCO ang nasabing plastic bag ng hinihinalang shabu habang nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya kung paano nadala ang nasabing droga sa loob ng fast food restaurant. (SIGFRED ADSUARA)
200 