PLANONG ibalik na ang biyahe ng mga pampublikong bus patungo at palabas ng Quezon province.
Ito ang naging kapasyahan sa ginawang pagpupulong ng mga opisyal ng lalawigan ng Quezon at mga kasapi ng Inter-Agency Task Force (IATF) noong Huwebes.
Siyam na bayan sa iba’t ibang bahagi ng Quezon ang magkakaroon ng biyahe ng mga bus patungo sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) batay sa alituntuning inaprubahan din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Magkakaroon ng mga designated drop off at pick up points sa mga dadaanang bayan na lalagyan ng mga triage at isolation area na pangangasiwaan ng medical frontliners.
Ayon sa patakaran ng LTFRB, kinakailangan na ang mga biyahero ay naka-pre-booking dalawa o higit pang araw bago ang kanilang pagsakay.
Hindi tatanggapin ang mga walk-in o on-the-day na biyahero.
Dapat ay mag-register muna sa Safe, Swift, and Smart Passage (S-Pass) website ang mga nais makasakay at kapag naaprubahan ay saka pa lamang sila pagbibilhan ng ticket ng mga bus operator. (NILOU DEL CARMEN)
506 