PINAPURIHAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang pulis na nagbalik ng bag na naglalaman ng P80,000 cash sa mag-asawang Aeta sa Capas, Tarlac.
Ang pera ay kinita ng mag-asawang Bernadet at Mateo Balintay sa pagtitinda ng mga usbong ng saging (banana blossom) sa nakalipas na 12 taon. Subalit, nawala ang bag nang makatulog si Bernadet habang naghihintay magbukas ang palengke na nasa likod lang ng istasyon ng pulisya.
Si Police Staff Sergeant Bernard Dalisay ang nakakita sa bag na noong una ay inakala niyang basura lang ang laman. Ngunit nang kanyang usisain ay natuklasang pera pala. Sinubukang hanapin ng pulis sa palengke ang may-ari ng bag pero walang umangkin. Sa kabila nito, hindi tumigil si Dalisay at nagtungo sa opisina ng mayor upang matunton ang may-ari ng bag.
Ipinatawag ang mag-asawa base sa nakitang ID sa loob ng bag. Doon na nagkita ang pulis at mga Balintay kaya’t naibalik din sa kanila ang bag at ang laman nitong pera. (JESSE KABEL)
171 