INIUTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang accounting sa lahat ng mga nabasurang drug cases sa korte na sinasabing kagagawan o dulot ng kapabayaan ng kapulisan.
Ayon kay Gen. Eleazar, bahagi ng Intensified Cleanliness Policy, kaya ipinag-utos niya na magsagawa ng accounting sa lahat ng mga nabasurang kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga mula noong 2016, panahon kung kailan inilunsad ang war on drugs.
Nais ng heneral na makamit ang mas magandang conviction rate, partikular na sa mga drug related case, indikasyon aniya na mas nagtatagumpay ang kampanya kontra ilegal na droga.
Nang magsimula ang war on drugs noong Hulyo 2016, dumami ang bilang ng mga naarestong sangkot sa ilegal na droga.
Ayon sa datos, mula sa 200,632 anti-illegal drug operations, aabot sa kabuuang 289,622 drug suspects ang naaresto.
Bukod sa pagnanais na mapataas ang conviction rate sa mga drug case, nais din ng PNP na tukuyin ang mga pulis na naging dahilan ng pagkakabasura ng kaso dahil sa mga pagkakamali tulad ng hindi tamang pagsasagawa ng operasyon at pagpapahina ng ebidensya sa piskalya.
Ipinunto pa ni PGen. Eleazar ang posibilidad na may ilang pulis ang kasabwat ng mga akusado na nagiging dahilan ng pagkakabasura ng kaso. (JESSE KABEL)
