REKLAMO LABAN SA CONVERGE ICT SOLUTIONS INC.

HINDI ko pinapansin ang mga reklamong nababasa ko na dumaraan sa Facebook account ko laban sa CONVERGE ICT Solutions Inc. dahil hindi naman ito ang gamit kong internet.

Ang reklamo nila ay pugak-pugak ang internet connection ng CONVERGE.

Ilan sa mga ‘pumitik’ sa kapalpakan ng CONVERGE ay mga mamamahayag.

Mabuti na lang hindi ako lumipat noon sa CONVERGE – noong bago pa lamang itong inaalok sa publiko, kundi’y isa rin ako sa mga madidismaya at magrereklamo laban sa CONVERGE.

Sa internet connection nga ng PLDT ay buwisit na buwisit ako kapag nagkakaproblema ito dahil humihinto ang pagtatrabaho ko, ng misis kong guro at mga anak kong nag-aaral.

Nakadidismaya pa naman ang PLDT dahil mabagal nitong ayusin ang ‘sirang’ internet connection nito, ngunit ubod nang bilis kapag singilan na.
Sana hindi ganito ang CONVERGE.

Tiyak mabubuwisit din ako nang todo sa CONVERGE kung palpak ang serbisyo nila, tapos mabilis lang din sa singilan tulad ng PLDT.

Kaya, mabuti na lang hindi ako nakumbinsi ng mga ahenteng nag-aalok ng CONVERGE noon na lumipat sa kumpanyang ito.

Pero, ilan sa mga kapit-bahay ko ay lumipat noon sa CONVERGE.

Hindi nagtagal, madalas na silang nagtatalak laban sa CONVERGE.

Pokaragat na ‘yan!

Nitong mga nakalipas na ilang araw hanggang ngayon ay nabasa ko ang paglalabas ng mga hinaing ng ilang tao kung saan kapareho kong nagtuturo noon sa isang unibersidad sa Metro Manila.

Dismayado nang husto ang mga nagpapatutsada laban sa CONVERGE dahil hindi lang oras natitigil sa serbisyo ng nasabing kumpanya, kundi ilang araw.

Dahil ilang araw na walang internet connection, naiipon ang kanilang ginagawa sa paaralan.

Kawawang mga guro.

Hindi na nga itinataas nang husto ang kanilang buwanang sahod, nakararanas pa ng malaking problema sa kanilang trabaho dahil sa napakapalpak na internet connection ng CONVERGE.

Sa totoo lang, hanggang ngayon ay mabagal pa rin ang operasyon ng internet sa Pilipinas kahit nagsimula nang ilunsad ang commercial operation ng DITO Telecommunity.

Marahil, sa mga susunod na taon ay pag-iigihan na ng PLDT Inc. at SMART Communications, GLOBE Telecom at CONVERGE ang kanilang operasyon kapag buong bansa na ang operasyon ng kumpanya ni Dennis Uy.

Pag-aari ng isa sa mga kumpanya ni Uy at ng China Telecommunications Corporation (CTC) ang DITO Telecommunity, ayon sa Wikipedia.

Tinumbok din ng Wikipedia na pag-aari ng pamahalaan ng China ang CTC.

Pokaragat na ‘yan!

Ang CONVERGE ay kontrolado naman ni Dennis Anthony Uy.

Sana naman pagbutihin ng CONVERGE ang kalidad at operasyon ng internet nito.

Hindi iyong pupugak-pugak, o namamatay ng ilang araw, samantalang hindi naman pupugak-pugak at hindi naman namamatay ang pagbabayad ng mga customer ng CONVERGE sa kanila.

Tama po ba?
Sana, magsalita naman si Senadora Mary Grace Poe hinggil sa pupugak-pugak at namamatay ng ilang araw na internet connection ng CONVERGE.

Si Poe ang mambabatas na pangunahing tumututok sa mga kumpanyang telekomunikasyon sa bansa dahil siya ang pinuno ng Senate Committee on Public Service.

Malaki ang oras ni Poe sa pagbabantay sa industriya ng telekomunikasyon dahil hindi naman siya tatakbong pangulo, o pangalawang pangulo, sa halalang 2022.

Kaya, nararapat lamang na dalasan niya ang panawagan sa mga kumpanyang telekomunikasyon tulad ng CONVERGE na ayusin ang internet connection nila.

Wala na tayong aasahan sa ibang senador dahil nakatutok na ang kanilang isipan at lakas sa halalang 2022.

328

Related posts

Leave a Comment