MAHIGIT 8 milyong Filipino na ang nabakunahan ng COVID – 19 vaccines mula noong magsimulang magbakuna ang gobyerno noong Marso 7 at ang tanong ngayon ay ilan sa mga ito ang natusok ng karayom na walang gamot?
Hindi ko masisisi ang netizens sa social media na itanong ito dahil sa viral video na nagpapakita na tinusok nga ng nurse ang isang pasyente, pero hindi itinulak ang heringilya para pumasok ang gamot sa balikat ng tinusukan.
Nabuo ang pagdududa kung may pumasok ba na bakuna sa kanilang katawan, o tinusok lang sila, dahil sa viral video na ito na iniimbestigahan na raw ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF).
Karaniwan sa atin, kahit anong tapang natin, kapag binakunahan tayo ay hindi natin tinitingnan ang pagtusok sa atin, kaya hindi natin nakikita kung may laman ba ang heringilya, o wala.
May mga nurse at doctor na magaan ang kamay at halos hindi mo naramdaman na natusok ka na pala nila at napakabilis dahil segundo lang ay tapos na ang pagbabakuna sa ‘yo.
Sabi ng mga kakilala kong nabakunahan na, halos hindi mo raw maramdaman ang pagbabakuna sa ‘yo dahil magaan ang mga kamay ng mga nurse.
Talagang praktisado na sila at mabilis.
Ngayong lumabas ang video na nag-viral, duda tuloy ‘yung mga nabakunahan na walang naramdamang side effect pagkatapos mabakunahan tulad ng sinasabi ng karamihan na nagkaroon sila ng sinat at nanakit ang balikat nang mabakunahan.
Kung totoo man ang viral video na ito, nararapat lang na imbestigahan dahil kung talagang nangyari ‘yan, hindi malayong maraming nangyaring ganyan sa mga nakaraan.
Hindi lahat ng binakunahan ay kinunan ng video, kaya walang makakapagsabi kung may laman ba ang heringilya na itinusok sa mga tao, o itinulak ba talaga ang heringilya, para pumasok ang vaccine sa katawan ng taong tinurukan.
Hindi lang sa Pilipinas ito nangyari dahil may ganitong insidente sa ibang bansa tulad sa South at North America at maging sa Africa na naging malaking isyu sa kanilang bansa.
Nararapat lamang na huwag hayaan ito dahil baka may mga naturukan talaga na hindi in-unload ang vaccine na lamang ng heringilya, o kaya walang laman, dahil pabilisan ang pagbabakuna.
Baka ang mangyayari, imbes na makaligtas ang nabakunahan sa virus na hinayaan ng China na kumalat sa buong mundo ay lalo silang mapapahamak dahil kumpiyansa sila na protektado na sila, pero hindi pala sila nabakunahan talaga.
Marami sa mga taong nabakuhanan ay masyadong kumpiyansa sa sarili at naniniwala silang hindi na sila mamamatay sa Chinese virus (tawag ni ex-US President Donald Trump), ‘yun pala walang pumasok na bakuna sa kanilang katawan.
Nauunawaan ko ang kalagayan ng mga health practitioner lalo na ang mga nurse na nag-aadminister ng bakuna na masyado silang pagod sa kanilang trabaho dahil sa dami ng kanilang dapat bakunahan.
Pero, dapat maging responsable sila sa kanilang trabaho dahil buhay ng mga tao ang nakataya, kaya kapag nagkamali sila sa pagganap ng kanilang tungkulin at kung nagkamali sila aminin nila.
Para masiguro na talagang walang pagkakamali, ipakita sa mga tao na may laman ang heringilya bago ito itusok sa kanila at pagkatapos ay ipakita rin ang walang laman na heringilya.
