HINDI na magagamit ang pondo sa Bayanihan 2 na hindi nagastos ng mga ahensya ng gobyerno para sa COVID-19 response kung hindi magpapatawag na special session ang Palasyo ng Malacañang.
Bagama’t ngayong araw, Hunyo 30, mapapaso ang Republic Act (RA) No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act, umapela pa rin si Deputy Speaker Rufus Rodriguez na magpatawag ng special session.
Ayon sa mambabatas, P18.4 billion ang hindi pa nagagamit sa P291 billion na pondo sa Bayanihan 2 na malaking tulong sana aniya sa pagtugon ng gobyerno sa mga problemang dulot ng pandemya sa COVID-19.
“Unless we pass another extension bill, the unspent funds would no longer be available,” ani Rodriguez ngunit kaya umanong ipasa ito hanggang hatinggabi ngayong araw.
Unang pinalawig ang buhay ng nasabing batas noong Disyembre 2020 sa pamamagitan ng RA 11519 kung saan binigyan ng karagdagang 6 buwan ang mga ahensya ng gobyerno para gamitin ang lahat ng pondo.
Gayunpaman, muling nabigo ang mga ahensya ng pamahalaan na magastos ang pondo kaya kapag hindi ito pinalawig ay ibabalik ito sa national treasury at hindi na magagamit sa original na pinaglaanang programa.
Subalit ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, malabo nang mapalawig ang buhay ng nasabing batas dahil hindi ito tinalakay sa pulong ng mga ito sa Malacañang noong Lunes.
“As you know, the Bayanihan 2 will expire on June 30 so it’s looking quite tight and the likelihood of an extension is becoming dimmer at this point,” ayon kay Romualdez. (BERNARD TAGUINOD)
