LALONG tumitindi ang hidwaan sa loob ng ruling party na PDP-Laban matapos ang magkasunod na batuhan ng maaanghang na salita nina Senador Manny Pacquiao at Pangulong Rodrigo Duterte.
Matinding inupakan ni Pacquiao ang administrasyong Duterte sa garapalan at sobrang korapsiyon sa gobyerno na mas domoble umano kaysa sa panahon ni dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.
Sa viral video na kumakalat ngayon, sinabi ni Pacquiao na korapsiyon ang puno’t dulo kung bakit patuloy na naghihirap ang bansa na tumindi pa sa panahon ni Pangulong Duterte.
“Ang puno’t dulo nya, korapsiyon, sa tinuod lang di ko alam kung alam ni presidente o hindi,” ayon kay Pacquiao.
Sinabi ni Pacquiao na noong panahon ni Aquino, nagsilbi siyang kongresista ng Saranggani, at doon niya nakita ang korapsiyon sa naturang administrasyon.
“Noong panahon ni PNoy, congressman ako noon, kalaban ko siya, kalaban ako ng administrasyon nya kasi sa korapsiyon, kasi yung mga tao nya, pero ano, siyempre, ayoko makihalo doon,” aniya.
Ngunit, sinabi ni Pacquiao na kung gaano ang korapsiyon sa panahon ni Aquino, mas domoble ngayon sa administrasyong Duterte o baka humigit pa.
“Pero sa totoo lang, sa totoo lang, ngayon talaga kung ano ang corruption sa past administration, iyong kay PNoy, mas doble ngayon, grabe ngayon sobra pa, maniwala kayo sa akin,” aniya.
“Sabi ko, sabi ko, di ko makakain ang ginagawa ng mga ito. Iyong pagnanakaw sa gobyerno, iyon ang dahilan kung bakit wala tayo ..naghihirap, iyon ang dahilan kung bakit wala ang bansa natin, wala talaga,” paliwanag ng mambabatas.
Mga korap, pangalanan
Nitong Lunes ng gabi, hinamon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Senador Manny Pacquiao na pangalanan ang mga corrupt official sa gobyerno para patunayan ang sinabi nito na naging malala ang korapsyon sa ilalim ng Duterte administration.
“If you fail to do that, I will campaign against you because you’re not doing your duty. Do it. If not, I will just tell the people, ‘Do not vote for Pacquiao because he is a liar,'” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People.
“I put you on notice. Isasabi ko lahat at kakalabanin kita (sa) panahon ng election. ‘Pag hindi, you’ll just be another son of a bitch playing politics,” dagdag na pahayag ng pangulo.
Subalit, kapag nakapagbigay naman ng pangalan si Pacquiao ng mga kurakot na opisyal ng pamahalaan ay kaagad siyang gagawa ng hakbang sa bagay na ito.
Napaulat na sinabi ni Pacquiao na prayoridad niyang tuldukan ang korapsyon kapag nagdesisyon siyang tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections.
“Si Pacquiao salita nang salita na three times daw tayong mas corrupt so I am challenging him, ituro mo ang opisina na corrupt at ako na ang bahala within one week may gawin ako,” ayon sa pangulo.
“‘Di ba ang sabi ko noon if you come to know that there is corruption, let me know? Give me the office. Ganoon ang dapat ginawa mo… Wala ka namang sinabi all these years. Puro ka praises ng praises sa ‘kin tapos ngayon sabihin mo corrupt,” aniya pa rin.
Binasura rin ng Punong Ehekutibo ang pangako ni Pacquiao na magpapatayo ng pabahay para sa lahat ng mga Filipino “in six years time.”
Sinabi rin kasi ng Pambansang Kamao na magpapatayo siya ng pabahay para sa lahat ng mga Filipino.
“Do not ever think that if you will win as president na wala nang corruption dito sa Pilipinas,” dagdag pa ng pangulo.
“And for your dream of giving everybody houses in six years time, just like what Senator Enrile said, good luck na lang. You must be dreaming,” dagdag na pahayag ng chief executive.
Una nang binatikos ng pangulo si Pacquiao makaraang magpahayag ang huli na nakukulangan siya sa nagiging hakbang ng pamahalaan sa usapin ng West Philippine Sea.
Giit ng pangulo, kailangan pa ni Pacquiao na pag-aralan ang usapin bago magbigay ng kahit anomang komento.
Samantala si Pangulong Duterte ang Party chair ng PDP-Laban na tumakbo at nanalo noong 2016 habang si Pacquiao ang presidente ng partido. (ESTONG REYES/CHRISTIAN DALE)
209
