INAPING OFW SA SAUDI, MAKAUUWI NA SA PINAS

NOONG Hunyo 28, tinalakay ko rito sa Ako OFW ang ­paghingi ng saklolo ni Lyn Malag na nagtatrabaho sa Najran Saudi Arabia.

Sumbong ni Lyn, siya ay ­sobra nang nababahala sa kanyang kaligtasan dahil ilang beses na siyang pinagbantaang papatayin ng kanyang amo.

Naranasan din niya sa kanyang amo na hampasin ng kutsilyo at putulan ng buhok gamit ang kutsilyong laging ipinapanakot sa kanya.

Nanawagan ang AKOOFW sa ahensyang EJM Global Manpower Corporation at pati na rin sa ahensya sa Saudi Arabia na Kawader Alkha Recruitment Office.

Ating ipinakiusap sa welfare officers sa Riyadh na mabilis namang kumilos at nakipag-ugnayan sa pulisya.

Kahapon, nakatanggap ang AKOOFW ng voice message mula kay Lyn at sinabi nito na tumawag ang pulisya sa kanyang amo at ito ay sinabihan na dalhin sa presinto si Lyn at kung hindi ito dadalhin ay susugurin ng pulisya ang kanyang tahanan.

Nagmamadaling inihatid si Lyn ng kanyang amo sa pinakamalapit na presinto, ngunit pinanindigan nito na pawang kasinungalingan ang mga sumbong ni Lyn.

Matapang na hinarap ni Lyn ang kanyang amo at nanindigan ito sa pulisya na lahat ng kanyang sumbong ay pawang katotohanan.

Nangangamba si Lyn sa mga dokumentong pinapirmahan sa kanya na diumano ay sinabi lamang ng pulisya na ang dokumentong pinirmahan niya ay nagpapatunay na gusto na niyang umuwi sa Pilipinas.

Walang nagawa si Lyn, kundi pirmahan ang dokumento na nakasulat sa Arabic na hindi niya naiintindihan.

Sinundo si Lyn ng nagpakilalang manager ng Kawader Alkha Recruitment Office at sinabi nito na may tiket na siya para sa eroplanong patungo sa Riyadh para sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas.

Natuwa si Lyn dahil makakalayo na sa kanyang malupit na amo, siya’y nagsusumbong pa rin dahil diumano ay ang pera na pambili sa tiket na nagkakahalaga ng 355 Saudi riyals patungo sa Riyadh ay pilit na kinuha mula sa kanyang naipong pera.

Ang AKOOFW ay nakatutok sa kasong ito upang masiguro na ang ating kabayaning si Lyn ay hindi maagrabyado.

Kailangang panagutan ng ahensya ang lahat ng kakulangan sa suweldo ni Lyn at pati na rin ang ginastos sa pagbili ng tiket sa eroplano mula Riyadh hanggang Pilipinas.

Labis ang ating pasasalamat sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at mga ­volunteer advocate na tumutok sa kasong ito na sina Rodel ­Cabingan, Zean Cezanie at ­Mocking Joy Dos.

142

Related posts

Leave a Comment