HINDI maaaring tumakbo bilang governor ng Camarines Sur si Vice President Leni Robredo dahil nakabara ang isang landmark case na lahat ng mga botante sa Naga City ay hindi maaaring tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa nasabing lalawigan.
Ito ang nabatid kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte kaugnay ng pinalutang ni dating Congressman Rolando “Nonoy” Andaya Jr., na maaaring tumakbo bilang governor ng kanilang lalawigan si Robredo.
“Ang pakiramdam ko Leni will run for president. Ngayon yung sinasabi niyang she’s considering to run for local, she can run for mayor or congressman of Naga City but definitely not for governor,” ani Villafuerte.
Ayon sa mambabatas, may kaso na sa Commission on Elections (Comelec) na ang mga botante sa Naga City kung saan rehistrado si Robredo, ay hindi puwedeng tumakbo bilang governor ng lalawigan.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang kaso ni dating Solicitor General Joel Cadiz na tumakbo bilang governor ng Camarines Sur noong 2013 kung saan nakalaban nito ang kasalukuyang governor na sina Migz Villafuerte at dating Gov. Luis Villafuerte.
“May kaso na ang Comelec na if you are registered voter of Naga City you are disqualified to run in the province. Decided case na po iyan. So definitely, abogado sya (Robredo), definitely she will not run [for] governor,” ani Villafuerte.
Ang Naga City ay isang independent charter at hindi sila bumoboto ng governor.
Inamin ng mambabatas na nagpatayo ng bahay si Robredo sa bayan ng Magarao subalit hindi pa aniya tapos kaya hindi ito nakalipat, isang taon bago ang halalan sa 2022.
Base sa batas, kailangang residente sa isang lugar sa loob ng isang taon ang isang kandidto bago ito tumakbo sa anomang posisyon bagay na hindi nagawa ni Robredo kaya barado ang pagtakbo nito bilang governor ng lalawigan.
“At kailangang lumipat ka (ng residency at voters registration), hindi siya lumipat,” ayon pa kay Villafuerte na naniniwalang tatakbo bilang pangulo si Robredo o kaya bilang mayor o congressman ng Naga City.
Gayunpaman, base sa ilang political observers, malabong manalo si Robredo bilang pangulo dahil kulelat ito sa mga presidential survey kaya naghahanap ang kanyang partido ng ibang kandidato. (BERNARD TAGUINOD)
227
