PARLADE NAGBITIW SA NTF-ELCAC

TINANGGAP ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagbibitiw ni Lieutenant General Antonio Parlade, Jr. bilang isa sa mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Tinanggap po ni Presidente ang resignation ni General Parlade as spokesperson ng NTF-ELCAC,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Sa ulat, bumaba na sa kanyang pwesto bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC si Parlade.

Kinumpirma ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana

Aniya, nitong nakalipas na linggo pa nag-resign ang heneral.

Hindi niya umano alam ang dahilan nito at kung tatanggap ba ito ng bagong pwesto sa ELCAC.

Si Parlade ay malapit nang magretiro sa military service sa July 26.

Bukod sa ELCAC, siya ay commander din ng Southern Luzon Command.

Naging kontrobersyal si Parlade dahil sa pag-red-tag umano nito sa ilang personalidad at pag-uugnay sa kanila sa mga komunistang rebelde.

Samantala, kinumpirma rin ni Lorenzana na si Philippine Army 2nd Infantry Division Commander Major General Bartolome “Bob” Bacarro ang papalit sa pwesto ni Parlade bilang Southern Luzon Command commander.

Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang appointment paper nito noong June 28.

Si Bacarro ay Medal of Valor awardee at miyembro ng PMA Maringal Class of 1988.

Pinapurihan ni Lacson

Samantala, humanga at pinapurihan pa ni Senador Panfilo Lacson ang pagbibitiw ni Parlade.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na nalaman niya ang pagbibitiw ni Parlade mahigit isang buwan na nang minsan nagbigay ng courtesy call ang heneral sa kanyang tanggapan sa Senado.

“I thanked and commended him even as that resignation was still subject to the approval of higher authorities,” ayon kay Lacson.

Sinabi ni Lacson na walang kuwestiyon sa hangarin ni Parlade na gawin ang kanyang tungkulin upang tuluyan nang matapos ang pinakamatagal na insurheniya sa Asya at patuloy itong naniniwala na matagal nang solusyon ang NTF-ELCAC sa ‘water lily” tactical maneuver na ipinatutupad ng CPP-NPA upang mapanatili ang kanilang impluwensiya sa naunang nalinis na barangay. (CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)

180

Related posts

Leave a Comment