MISMONG ang Presidential Anti-Corruption Commission ang nagbigay kumpirmasyon sa umano’y mga katiwaliang nagaganap sa dalawang ahensiyang tinukoy ni Senador Manny Pacquiao sa kanyang talaan ng mga tiwaling tanggapan ng gobyerno.
Sa ginanap na Laging Handa public briefing, sinabi ni PACC Chairman Greco Belgica na mayroon na umano silang tinututukang 13 kasong pinaniniwalaang may elemento ng katiwalian.
Aniya, kabilang ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang iniimbestigahan bunsod ng mga sumbong ng iregularidad.
“We are probing nine cases of corruption in DOH, and Health Secretary Francisco Duque III knows it. This is ongoing,” ani Belgica.
“For DSWD, we are investigating four cases since we received 9,000 complaints over SAP,” dagdag pa ng PACC chief.
Gayunpaman, sinabi nitong medyo malabnaw ang mga akusasyon ni Pacquiao bagamat nakahanda naman aniya siyang imbestigahan ito kung makapagbibigay pa ng mga mas detalyadong impormasyon ang senador.
Una nang inakusahan ni Pacquiao ang DSWD ng P10.4-bilyong katiwalian kaugnay ng Social Amelioration Funds na ipinamahagi ng gobyerno sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng pandemya.
Kaugnay nito, mariing itinanggi ni DSWD Director Irene Dumlao ang mga paratang ni Pacquiao, kasabay ng hamon na maglabas ng konkretong ebidensiya ang huli.
“Gusto nating makita yung datos na basehan ni Senator Manny Pacquiao sa nabanggit na bilang ng mga benepisaryo [ng SAP] ng nakakuha ng ayuda,” ani Dumlao sa isang panayam sa telebisyon.
Samantala, tiniyak naman ni Belgica na sila’y patuloy na nakikiupag-ugnayan sa tanggapan ni Senador Pacquiao sa hangad na mabigyang linaw ang kanyang mga paratang.
“Whether it is Senator Pacquiao or an ordinary citizen, we treat the complaints just the same,” giit pa ni Belgica. Itinanggi rin niyang mas lumala ang katiwalian sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. (FERNAN ANGELES)
163 