BIKTIMA NG SULU PLANE CRASH BIBISITAHIN NI PDU30

POSIBLENG bisitahin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga nasugatang sundalo sa pagbagsak ng C-130 airplane ng Philippine Air Force, Linggo ng tanghali sa Patikul, Sulu.

“If plans push thru po. mukhang daraan po ang ating presidente sa Zamboanga to visit some of those na nasa ospital,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Sa ulat, nasa 45 katao ang nasawi, habang 49 ang nasugatan sa trahedya.

Ayon sa militar, hanggang nitong 8:40 p.m. ng Linggo, 42 sa mga nasawi ay military personnel na sakay ng eroplano at tatlo naman ang sibilyan na nadamay nang mangyari ang insidente.

Kaugnay nito, humingi ng sandaling katahimikan si Sec. Roque para sa mga namatay at nasugatan sa insidente.

Sa public briefing, nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamilya ng mga nasawi sa bumagsak na C-130.

Nagluluksa aniya hindi lamang ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas kundi ang buong bansa sa malungkot na pangyayaring ito.

“Nananalangin po kami na yakapin ng Panginoon ang mga nagdadalamhating pamilya para maibsan kahit papaano ang kanilang nararamdaman. At nawa’y mabigyan sila ng lakas para malampasan ang pagsubok na ito,” ayon kay Sec. Roque.

Samantalang ipinagdarasal din ng pamahalaan ang mabilis na paggaling ng mga survivor.

Nag-utos na aniya si Defense Secretary Delfin Lorenzana ng imbestigasyon para matukoy ang dahilan ng insidente.

Nakikiisa rin si Cabinet Secretary Karlo Nograles sa sambayanang Filipino na patuloy na nananalangin na hindi na kailanman kakailanganin pang ipadala ang mga sundalo sa iba’t ibang parte ng bansa at magbuwis ng buhay upang ipaglaban ang karapatan ng mga kababayan para sa kapayapaan, katahimikan, at kaunlaran.

“My heart goes to the families of the military personnel and civilians who tragically lost their lives when Philippine Air Force 5125 crashed in Patikul, Sulu yesterday,” ayon kay Nograles.

“As a Mindanawon, I am forever grateful for the willingness of our military to risk their lives to secure a just and lasting peace in the South,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)

124

Related posts

Leave a Comment