Bilang ng mga namatay umakyat sa 52 BLACK BOX NG C-130 INAANALISA NG ITG

AGAD nang pinasimulan ng binuong Investigating Task Group ang pag-analisa sa nilalaman ng black box o flight data recorder ng bumagsak na Philippine Air Force C-130 Hercules cargo plane na ikinamatay ng 49 sundalo at tatlong sibilyan sa bayan ng Patikul, Sulu.

Ayon kay AFP chief, General Cirilito Sobejana, walang inaksayang panahon ang binuong probe team mula sa 220th Airlift Wing matapos matagpuan ang black box bandang alas-11:00 ng umaga noong Lunes sa Barangay Bangkal malapit sa Jolo Airport.

Una rito, inihayag ni Western Mindanao Command chief, Lt. Gen Corleto Vinluan, agad niyang ipinag-utos na ikordon ang one kilometer radius na saklaw sa binagsakan ng military transport plane at idineklarang restricted area upang matiyak na ‘uncontaminated’ ang makakalap na mga ebidensiya.

Nabatid na nasa area ang investigating team mula sa 220th Airlift Wing at PAF Mobility Air Command.

Naniniwala ang Department of National Defense na malaking bagay ang pagkarekober sa black box sa ongoing investigation.

Magugunitang agad ipinag-utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsasagawa ng ‘full investigation’ sa pagbagsak ng C-130 plane sa Sulu na ikinamatay ng 49 sundalo at tatlong sibilyan at ikinasugat din ng 47 sundalo na ang ilan ay nasa malubha pang kalagayan.

Sa panayam kay Gen. Sobejana, sinabi niyang may nakausap siyang survivors na kumukumpirma sa naglalabasang balita na may tumalsik na mga sundalo at tatlong beses pang tumalbog ang C-130 bago sumalpok at sumabog. (JESSE KABEL)

168

Related posts

Leave a Comment