Galing kay Pacquiao P50K KADA NAMATAY NA SUNDALO SA C-130 CRASH

MAGBIBIGAY si Senador Manny Pacquiao ng halagang P50,000 sa bawat pamilya ng biktimang namatay sa pagbagsak ng C-130 sa Patikul, Sulu bilang personal na tulong.

Sa pahayag, sinabi ni Pacquiao na magbibigay rin siya ng halagang P20,000 sa bawat sundalong nakaligtas sa trahedya na kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of National Defense (DND).

“Bilang tulong sa aking mga kapatid sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga sibilyang naging biktima ng C-130 crash sa Patikul,

Sulu, magbibigay ako mula sa aking personal na pondo ng P50,000 sa bawat pamilya ng mga nasawi at P20,000 para sa mga sugatan,” ayon kay Pacquiao.

Noong Linggo, bumagsak ang C-130, ikatlo sa kasaysayan ng Philippine Air Force, sa Patikul, Sulu matapos itong mabigong makalapag sa maikling runway.

Mahigit 49 sundalo, karamihan ay kagagaling lamang sa training, ang namatay habang ang ilan ay sugatan.

May ilang sibilyan din ang nadamay sa insidente.

Galing ang C-130 sa Cagayan De Oro City na humakot ng ilang sundalong nagtapos sa huling pagsasanay at nakatakdang italaga sa kauna-unahang combat duty.

“Kasama po ako ng sambayanan sa panalangin para sa ating mga bayaning nasawi at para sa agarang paggaling ng mga sugatan,” ayon kay Pacquiao.

Nakatakdang imbestigahan ng Senado ang insidente na isinulong nina Senador Grace Poe at Francis Pangilinan kabilang si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri upang matukoy kung ano ang patakaran na pwedeng likhain upang maiwasan ang naturang insidente sa hinaharap. (ESTONG REYES)

154

Related posts

Leave a Comment