(BERNARD TAGUINOD)
ISANG uri ng pandaraya at panlalamang sa mga kapwa kandidato ang mga nagkalat na billboard at tarpaulin ng ilang government officials tulad ng itinayo ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa Katipunan Ave., Quezon City.
Ito ang pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro kaugnay ng billboard ni Panelo na aniya ay bahagi ng preparasyon ng opisyal sa kanyang senatorial bid sa 2022 election.
“Form din kasi ng pandaraya ‘yan,” ani Castro dahil hindi panahon ng election campaign ay nangangampanya na si Panelo sa pamamagitan ng billboard nito sa Katipunan Avenue.
Base sa batas, magsisimula ang kampanya ng mga kandidato sa national position partikular na sa senatorial, vice presidential at presidential race sa ikalawang linggo ng Pebrero 2022.
Gayunpaman, marami na umanong government officials ang direktang nangangampanya dahil nagkalat na ang kanilang mga election material tulad ng tarpaulin at billboard.
Sinabi ni Castro na bagama’t hindi inilagay ng mga government official sa mga nasabing election material na sila ay kandidato sa isang espesipikong position, pangangampanya pa rin umano ang ginagawa ng mga ito.
“Hindi naman sila maglalagay ng ganyan (billboard at tarpaulin) kung wala silang balak tumakbo,” ani Castro lalo na sa kaso ni Panelo na nagpapaalala sa mga tao sa kanyang billboard na sumunod sa health protocols gayung malayo ito sa kanyang trabaho bilang abogado ng pangulo.
Dahil dito, itinuturing ni Castro na nilalamangan na agad ni Panelo ang iba pang nagnanais na tumakbo sa Senado sa susunod na eleksyon.
Unang hinamon ng mambabatas si Panelo na ilantad sa publiko kung sino ang gumagastos sa kanyang billboard dahil hindi umano biro ang halaga ng ganitong uri ng pagpapakilala.
Kailangang gawin aniya ito ni Panelo upang matiyak na hindi nagagamit ang pera ng bayan sa kanyang ambisyong pulitikal lalo na’t isa siyang aktibong opisyal ng Duterte administration.
205 