HAHABULIN ng pamahalaan ang P2 bilyon pa ring utang sa buwis ng boxing icon at Senador Manny Pacquiao.
Sa PDP-Laban meeting ay nabanggit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na aalamin niya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kung ano na ang estado ng utang sa buwis ni Pacquiao.
“Mayroon akong.. he has a tax evasion case.. P2.2 billion na hindi niya binayaran ang gobyerno lahat ng kanyang laban.. maraming away niya.. sa isang fight.. P2.2 billion … kunin ng BIR yan.. so dito.. i remember that.. i try to find out.. may utang siya ng P2.2 billion,” ayon kay Pangulong Duterte.
Sinabi pa ng pangulo na kung malala ang korapsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon gaya ng pinalutang ng senador, “kung corrupt kami.. eh ikaw nag-cheat ka sa government, isa kang corrupt official lalo na.”
Inulit din ni Pangulong Duterte na ipapa-check niya ang bagay na ito.
Matatandaang taong 2014 nang mariing pinanindigan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na halos P2 bilyon pa rin ang utang sa buwis ng boxing icon at noon ay Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Ito ay sa kabila ng pagbabayad ni Pacquiao ng P32 milyon sa BIR kamakailan.
Ayon kay dating BIR Commissioner Kim Henares, pinal na ang kanilang computation na P2.2 bilyon ang tax deficiency ng dating kampeon.
Binigyang diin ni Henares na ang ibinayad ni Pacman ay kabayaran lamang sa value added tax (VAT) surcharges na bahagi ng utang sa buwis ng kongresista para sa taong 2008 at 2009.
Napag-alaman na una nang nagpalabas ang BIR ng “warrant of distraint and levy” laban sa mga bank account ni Pacman dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Dahil sa nasabing kautusan ay hindi maaaring magamit ni Pacquiao ang kanyang pera sa mga bangko na sakop ng nasabing direktiba.
Iginiit naman ni Pacman na nagbayad siya ng tamang buwis mula sa kaniyang mga laban kina Ricky Hatton, Oscar de la Hoya, David Diaz at Miguel Cotto sa Estados Unidos, na may inisyu pa aniyang dokumento ang kanyang promoter na Top Rank na isinumite sa BIR para patunayan na naibawas ng US Internal Revenue Service ang buwis mula sa kanyang kinita.
Traydor
Samantala, binanatan ni Pastor Apollo Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ si Pacquiao at sinabihang traydor dahil sa banat nitong tatlong beses na mas korap ang administrasyon ni Pangulong Duterte kung ikukumpara sa dating administrasyon.
“So ‘yun ang masasabi ko, kung sana nag-resign ka muna.. bakbak ka nang bakbak, mayroon ka pang dangal noon, but your inside forever will be a traitor, yung record mo traydor ka, and forget about being a president you will never be a president,” birada ni Quiboloy sa 13.38 minutong video na inilabas ng SMNI News.
Inungkat din ni Quiboloy ang pagpirma ni Pacquiao sa planong pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN na dati nang ipinasara ng mga mambabatas sa Kamara sa pangunguna nina Reps. Rodante Marcoleta at Mike Defensor.
“Tinatanong kita Pacquiao kung korapsyon ang ginawang utang ng ABS-CBN na walang kolateral ng P9-B sa Development Bank of the Philippines (DBP), kung korapsyon bakit ka pumirma sa pagbabalik ng prangkisa nila?” ayon pa kay Quiboloy.
“Kung lumabas ka muna sa PDP-Laban at sumama ka kina Trillanes, Drilon at Pangilinan ay may dangal pa sana,” patutsada pa ni Quiboloy.
Aniya pa, bumanat lang si Pacquiao sa pangulo matapos lumutang ang tambalang Duterte-Duterte sa 2022 election. (CHRISTIAN DALE/JOEL O, AMONGO)
157 