SINIMULAN na ng administrasyon ang paglilinis ng kanilang bakuran bilang paghahanda sa nalalapit na 2022 general elections at bilang panimula, target ng Malakanyang na sipain sa puwesto ang mga inaakalang namamangka sa dalawang ilog.
Sa isang eksklusibong panayam sa isang source mula sa Palasyo, uunahin umanong sibakin si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar dahil sa pagiging malapit nito kay Senador Manny Pacquiao na bumabatikos sa administrasyong Duterte.
Si Pacquiao na una nang nagpahayag ng kahandaang tumakbo bilang pangulo ng bansa sa susunod na halalan ang nakikitang magiging katunggali ni presidential daughter at kasalukuyang Davao City Mayor Sara Duterte.
Ayon pa sa impormante, ang dating broadcast journalist na si Jay Sonza umano ang ipapalit kay Andanar. Una nang tumakbong bise presidente si Sonza noong Mayo 2016 ngunit natalo.
At upang bigyang katwiran ang pagsibak kay Andanar, pinahintulutan aniya ng pangulo ang Commission on Audit na ilabas ang kanilang audit report na naglalahad ng ilang alingasngas sa kanyang tanggapan.
Sa nasabing audit report, pinagpapaliwanag ng COA si Andanar kaugnay ng P70-milyong gastusin ng kanyang departamento para sa sahod ng 375 dagdag na empleyado – kabilang ang 70 consultants sa ilalim ng “contract of service.”
Ayon pa sa COA, walang kalakip na pormal na polisiya ang ginawang pagkuha ng mga karagdagang government consultants ng tanggapan ni Andanar.
Sa nasabing COA report, kabilang din sa mga lumalabas na ang mga “service provider” ay public relations officers, media relations officers, public circulation officers, information officers, social media specialists, news monitors, utility workers, at tsuper. Mayroon din anilang mga tinaguriang head writers, scriptwriters, supporting writers at mga transcriber.
Ayon sa COA team na nagbusisi sa operasyon ng PCOO, higit na marami ang kinuha ng tanggapan ni Andanar sa ilalim ng “contract of service,” kaysa mga permanente, co-terminus at temporary.
Bago ang “mass hiring,” mayroong kabuuang 148 katao ang bumubuo sa PCOO.
“Identification of individuals to be hired rests directly upon the request of the department heads and other agency officials. The request was not supported by a justification for the hiring of COS personnel and the statement of function to be performed by the said personnel,” saad ng COA report.
Wala rin umanong certification mula sa personnel officer ang kontrata ng nasabing consultants.
Gayunpaman, sa ilalim ng Joint Circular No. 1, s. 2017 ng COA kasama ang Department of Budget and Management (DBM) at Civil Service Commission (CSC), pinahihintulutan ang anomang ahensiya ng gobyerno na kumuha ng dagdag na tauhan bilang bahagi ng pagpapabuti ng serbisyo ng mga tanggapang nakapaloob sa mga departamento ng pamahalaan.
Puna ng COA, lubhang malaki ang halagang ginastos ng tanggapan ni Andanar lalo pa’t walang sapat na basehan para mangailangan ang PCOO ng mga dagdag “consultants.”
Giit nila, mas mainam sana kung ang nasabing pondong ginastos ng PCOO ay napunta sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.
“The unrestricted/massive hiring of COS personnel cost the PCOO a total amount of P70,688,830.39 for their salaries during the year, resulting in the depletion of government funds which could have been used for other programs and project of the government,” pagtatapos pa ng COA. (FERNAN ANGELES)
180 