CAVITE – Patay ang isang 37-anyos na top 7 most wanted person (MWP) regional level ng NCRPO nang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang isinisilbi ang warrant of arrest laban sa kanya sa bayan ng Naic sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Romeo Panesa, alyas Boyet, ng Ericka Louise Village, Brgy. Malainen Bago, Naic, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Anthony Macario ng Naic Police, dakong alas-4:25 ng hapon noong Huwebes nang isilbi ng mga operatiba ng DSOU at Naic Police ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Carolina Icasiano-Sison, presiding judge, RTC Br. 18, Manila sa kasong murder laban sa suspek sa Brgy. Malainen Bago, Naic, Cavite.
Ngunit habang isinisilbi ay pumalag ang suspek, naglabas ng baril at ipinanutok sa mga awtoridad. Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang Magnum caliber 38.
Ayon sa ulat, si Panesa ay miyembro ng notoryus na Panesa crime group na nag-o-operate sa NCR at karatig na mga lalawigan. (SIGFRED ADSUARA)
165 