MAHALAGA ang board at bar exams kaya hindi ito dapat alisin.
Sa halip, ang Continuing Professional Development Act na nagpapahirap at ginagatasan ang mga professional tulad ng mga abogado, doctor, nurses at iba pa ang siyang ibasura.
Reaksyon ito ni ACT party-list Rep. France Castro kasunod ng suhestiyon ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na tanggalin na ang bar exam sa mga law student at board exam sa mga nurse.
Ayon sa mambabatas, mahalaga pa rin ang licensure exams bilang requirement para sa mga propesyunal dahil pagpapatunay ito na sila ay kwalipikado at may sapat na kaalaman para makapagsanay bilang isang nurse, abogado, dentista, guro, accountant, doktor at iba pa.
“Ang dapat tanggalin ay ang pahirap na renewal na nire-require ng Continuing Professional Development Act na isang dagdag na balakid para sa ating mga propesyunal sa kanilang renewal ng mga lisensya,” ani Castro.
Base sa nasabing batas, tuwing tatlong taon ay inoobliga ang lahat ng mga propesyunal na dumalo sa mga seminar, training courses at iba pang professional development activities bago ma-renew ang kanilang lisensya at maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang propesyon.
Nagiging balakid umano ito sa mga propesyunal dahil kailangan nilang lumiban sa kanilang trabaho at iba pang aktibidad upang kumuha ng mga unit na kailangan para maipagpatuloy nila ang kanilang propesyon.
“Moreover, the continuing professional development had been turned into another business opportunity for the private sector to exploit, turning professionals into milking cows for guaranteed profit,” ani Castro.
Hindi umano biro ang binabayaran ng lahat ng mga propesyunal para sa required units na kailangan nilang makuha o matapos bago nila ma-renew ang kanilang lisensya.
“Instead of removing examinations as a requirement for getting professional licenses, the Department of Labor and Employment and the Professional Regulatory Commission should seriously look into the repeal of the CPD Act of 2016, and we urge Congress to table HB 510 for its swift passage,” dagdag pa ng mambabatas.
Tinutulan din sa Senado
Samantala, nanindigan si Senator Joel Villanueva sa pagpapanatili ng professional licensure system ng bansa kahit na nahihirapan ang Professional Regulation Commission (PRC) na isagawa ang mga board exam bunsod sa pandemya dahil ang mga pagsusulit na ito ang nagpapalakas ng kredibilidad ng Filipino professionals sa bansa at sa buong mundo.
“Kahit marami na po ang dismayado sa kabiguan ng PRC sa pagpapatupad ng nakatakdang board exams noong nakaraang taon pa, kailangan pong manatili ng ating professional certification exams,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee. “Hindi po makapag practice ang ating mga professionals dahil hindi sila board certified.”
Naghain si Villanueva ng Senate Resolution No. 661 upang tulungan ang PRC na magbalangkas ng alternatibong paraan para idaos ang mga board exam sa panahon ng pandemya, at hindi upang buwagin ang komisyon. Dagdag pa ng mambabatas, sa ilalim ng PRC Modernization law of 2000, dapat computerized na ang mga pagsusulit na ito mula pa noong 2003.
Ang pahayag ng senador ay reaksyon din sa sinabi ni Secretary Bello na tanggalin na ang mga licensure exam, bagaman nilinaw na panukala lamang niya ito.
“Nauunawaan po natin si Secretary Bello na kailangan ng agarang reporma para gawing mas madali ang pagkuha ng mga licensure exams para sa mga graduates. Ngunit hindi po natin kailangan buwagin ito dahil tungkulin po ng ating gobyerno na kilatisin ng husto ang mga propesyonal bago sila payagan pag-practice,” ani Villanueva.
(BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
231 