SOUTH COTABATO – Patay ang isang suspek sa umano’y panggagahasa at pagpatay sa isang 13-anyos na dalagita, makaraang mang-araw ng baril sa pulis na escort habang ibinibiyahe pabalik sa Polomolok Police Station noong Biyernes.
Kinilala ni Police Lt. Col. Alex Joe Orcajada, hepe ng Polomolok PNP, ang suspek na si Ronald Pacquiao Abaquita, suspek sa pagpaslang at panggagahasa sa isang dalagita.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakasakay ang suspek sa patrol car kasama ang ilang pulis at katatapos lang nitong sumailalim sa medical examination bago ipasok sa kulungan.
Habang nasa biyahe ay bigla na lamang raw itong nagpumiglas at tinangkang agawin ang baril ng pulis na nag-aasikaso sa kanya habang nakaposas dahilan upang paputukan ito ng mga awtoridad.
Bago ang insidente, una nang naaresto ng mga awtoridad ang isa pang suspek na si Eduardo Abordo, 42, residente sa Ligtas Subd., Barangay Cannery nitong bayan sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya noong Hulyo 9.
Ayon naman kay Orcajada, ang suspek ay positibong nagbenta ng ilegal na droga sa poseur buyer.
Dagdag pa ng hepe, lumabas sa kanilang imbestigasyon na si Abordo at Abaquita ang huling kasama ng biktima na natagpuang patay sa isang taniman ng pinya sa lugar.
Sinabi rin ni Orcajada, bago pa matagpuan ang biktima ay nag-report pa ang suspek na si Abordo sa isang police outpost sa lugar patungkol sa natagpuan raw nitong bangkay sa nasabing lugar.
Hindi naman itinanggi ng suspek na nasaksihan nito ang pagpaslang sa biktima subalit iginiit nitong ang kasamahan niya ang gumahasa rito. (BONG PAULO)
224 