“DAPAT mahiya ang pangulo sa paggamit ng rekurso ng pamahalaan para sa kanyang partido at pulitikal na aktibidad.”
Ito ang mensahe ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat sa Palasyo ng Malacañang matapos iere sa PTV 4 ang pulong ng partidong PDP-Laban na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.
Base sa dalawang oras na pulong ng partido na inere sa nasabing government TV station, kinukumbinsi ng kanyang mga kapartido si Duterte na tumakbo bilang bise presidente upang magkaroon umano ng continuity sa mga programang nagawa na nito.
Dismayado ang mambabatas dahil mistulang ginagamit ng PDP-Laban at ni Duterte ang ari-arian ng gobyerno bilang kanilang makinarya sa susunod na eleksyon at isulong ang mga pansariling interes.
“Ano ito, paggamit na sa mga ahensya ng gobyerno na animo’y makinarya nila sa eleksyon para sa maagang pangangampanya? Ganyan na ba kadesperado ang pangulo para manatili sa posisyon?,” tanong ni Cullamat.
Ipinaalala ng mambabatas na ang PTV 4 ay hindi pag-aari ng PDP-Laban na puwede nilang gawing makinarya dahil ang nagbabayad sa operasyon ng nasabing istasyon ay sambayanang Filipino.
Imbes na gamitin aniya ang PTV 4 sa kampanya laban sa COVID-19 ay ginagamit ito sa pampulitikal na interes ng nasabing partido para isulong ang pananatili ni Duterte sa kapangyarihan upang makaiwas sa pananagutan pagkatapos ng kanyang termino bilang pangulo.
Higit na ikinadismaya ng mambabatas ang tila pamumulitika agad ni Duterte gayung malayo pa ang eleksyon at nasa gitna pa ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19.
“Kung may delikadeza silang natitira dapat atupagin nila ang malaking problemang hinaharap ngayon ng ating bayan, hindi muna yang eleksyon. Nasa pandemya tayo ngayon, bakuna muna bago ang kampanya,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
165 