IGINIIT ng dalawang mambabatas sa Kamara na ideklara ang July 12, bilang West Philippine Sea Victory Day dahil hindi umano biro ang tagumpay ng Pilipinas sa kasong isinampa laban sa China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) ng United Nations (UN).
Ginawa nina Congressmen Manuel Cabochan ng Magdalo party-list at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang nasabing panukala sa paggunita kahapon ng ika-5 anibersaryo ng PCA ruling kung saan nanalo ang Pilipinas laban sa China.
“The arbitration ruling is a huge win for a small nation like ours which chose to stand against a big nation like China. This day should be a reminder for our nation, especially our leaders, to continue fighting for what is truly ours. Maliwanag na sa atin ang West Philippine Sea,” ani Cabochan.
Magugunita na noong Hulyo 12, 2016 ay nagdesisyon ang PCA na pag-aari ng Pilipinas ang mga teritoryong inokupahan ng China sa WPS.
Sa ngayon ay nakabinbin sa Kamara ang House Bill (HB) 1947 at 1975 na inakda nina Cabochan at Rodriguez, ayon sa pagkakasunod kung saan kapwa umapela ang mga ito sa liderato ng Kamara na aprubahan na ito.
Hinamon din ni Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao si Duterte na mag-resign dahil trinaydor umano nito ang mga Filipino at siya ang naging dahilan kung bakit naghirap ang mga mangingisda.
Babala ng US
Inulit naman ng Amerika ang babala sa China na anomang pag-atake sa Philippine Armed Forces sa South China Sea ay hudyat sa kanila para tuparin ang 1951 US-Philippines Mutual Defense Treaty.
Pahayag ito ni Secretary of State Antony Blinken sa paggunita sa ika-5 anibersaryo ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na bumabalewala sa malawakang pag-angkin ng China sa maritime territories sa South China Sea.
“The United States reaffirms its July 13, 2020 policy regarding maritime claims in the South China Sea,” ani Blinken.
Limang taon na ang nakalipas, nagbaba ng ‘unanimous and enduring decision” ang PCA base na rin sa 1982 Law of the Sea Convention na nagbabasura sa People’s Republic of China’s expansive South China Sea maritime claims dahil walang basehan sa umiiral na international law ang ginagawa nitong pangangamkam na pumapabor naman sa Pilipinas. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)
174 