IKINATUWA sa mababang kapulungan ng Kongreso ang desisyon ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na suspendihin ang implementasyon ng 25% corporate income tax ng mga private school upang hindi magsara ang mga ito.
Gayunpaman, nais ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na hindi rin magtaas ng tuition fees ang mga pribadong paaralan ngayong school year upang matulungan ng mga ito ang mga magulang at estudyante nila ngayong panahon ng pandemya.
“With this decision, we also urge private schools not to impose tuition fee increases in the next years as many parents are also still struggling with the demands of the blended distance learning and the worsening economic crisis in the country,” ani Castro.
Ayon sa mambabatas, maraming magulang ang napilitang ienroll ang kanilang mga anak sa mga public school noong nakaraang school year dahil matindi ang naging epekto ng pandemya sa mga ito.
Dahil dito, umaabot sa 865 private schools ang napilitang magsara dahil mababa ang kanilang enrollees kaya hindi lamang ang mga estudyante ang labis na naapektuhan kundi ang mga guro at non-teaching personnel ng mga nabanggit na institusyon.
Upang matulungan ang mga ito lalo na ang mga bukas pa ay sinuspinde ang 25% corporate income tax. Pero dapat umanong tulungan din ng mga ito ang mga magulang at estudyante sa pamamagitan ng pagsuspinde sa kanilang tuition fee increase.
Taon-taon ay nagtataas ng tuition fees at iba pang bayarin sa mga pribadong eskuwelahan na laging binabakbakan ng mga militanteng mambabatas dahil nagiging komersyal na lamang umano ang edukasyon sa bansa.
Nangangamba ang mambabatas na kahit hindi na pagbabayarin ng corporate income tax ang mga pribadong paaralan ay mababawasan pa rin ang enrollees ng mga ito kapag tuloy ang kanilang tuition fee increase lalo na’t nasa gitna pa ng pandemya ang bansa. (BERNARD TAGUINOD)
