Ni ANN ENCARNACION
SI first Filipino Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang number one supporter at cheerleader ngayon ng hinuhulaang magbibigay ng pangalawang ginto sa bansa mula Tokyo na si Nesthy Petecio.
Ngayong naka-quarantine gaya ng iba pang pambansang atleta, coaches at staff na tapos nang sumabak sa 2020+1 Games, patuloy ang pagsubaybay ni Diaz kay Petecio at iba pang nalalabing Pinoy na lumalaban sa Tokyo.
“Believe lang… Don’t doubt.” Ito ang payo ng tinaguriang ‘weightlifting fairy’ para sa boksingerang si Petecio, at maging kina boxers Eumir Felix Marcial at Carlo Paalam, pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena, gymnast Carlos Edriel “Caloy” Yulo at golfers Yuka Saso at Bianca Pagdanganan.
“Laban lang tayo, para sa bansa natin at Pilipinas,” ayon kay Diaz, nasa ikapitong araw ng required 10-day quarantine base sa safety and health protocols dulot ng COVID-19 pandemic.
Lalaban bukas (Martes), 1:05 ng tanghali si Petecio kontra hometown bet Sena Irie para sa gold medal ng women’s featherweight 54-57kg sa Kokugikan Arena.
Nakatakda naman sa 11:15 ng umaga ang men’s fly (48-52kg) quarterfinal 2 match up ni Carlo Paalam kontra defending champion Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan.
Pipilitin din ni Obiena na makapag-uwi ng medalya mula athletics sa pagsabak sa men’s pole vault event.
131 