NANINIWALA ang Games and Amusements Board (GAB) na nasusunod ang ‘safety and health’ protocol na itinakda nila, batay sa patuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Positibo si GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na tumatalima sa panuntunan ang mga professional league na pinayagan sa kanilang no-audience-return to action sa mga lugar na may mababang community quarantine status.
“Nakalulungkot isipin na may mga players at personnel sa mga sports na nagbalik aksyon na ang tinamaan ng COVID-19, pero dapat natin itong tingnan sa positibong aspeto, higit ang nakita rito na epektibo ang mga ipinatupad nating ‘safety and health’ protocol,” ani Mitra.
Pumayag ang IATF na muling buksan ang professional sports batay na rin sa rekomendasyon ng Joint Administrative Order (JAO) na nilagdaan ng GAB, Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH).
Kamakailan, isinailalim sa quarantine at hindi muna pinaglaro ang koponan ng Perlas sa Premier Volleyball League (PVL) matapos magpositibo ang isang miyembro ng crew sa ginawang swab test. Matapos magnegatibo ang lahat ng miyembro ay agad din itong pinayagang makabalik sa paglalaro sa liga.
Sa Philippine Basketball Association (PBA), pansamantala ring naantala ang mga laro ng Talk ‘N Text matapos magpositibo ang ilang players.
Iginiit ni Mitra, nakatutok ang GAB sa mga galaw ng mga pro league, kasama ang medical team na tumitiyak na nasusunod ang lahat ng safety and health protocols para sa kapakanan ng mga atleta at lahat ng stakeholders.
167 