HINDI tututol si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sakaling pasukin ng kanyang panganay na anak ang pulitika, lalo pa’t kwalipikado aniya itong tumakbo bilang kinatawan ng isang legislative district sa kanilang lalawigan sa Ilocos Norte.
Sa programang Tapatan ni Tunying, buong pagmamalaki ng dating senador na hindi hamak na mas may kakayahan ang kanyang panganay kaysa sa ibang nagnanais kumatawan sa isang distrito ng kanilang lalawigan.
Bukod sa nakapag-aral ito sa Britanya, nagawa rin aniyang hubugin ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez ang kanyang anak na si Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na nagtatrabaho bilang bahagi ng legislative staff ng nasabing kongresista sa Kamara.
Lubos naman ang pasasalamat ng dating senador sa ibinahaging kaalaman ni Romualdez sa larangan ng lehislatura – kabilang ang mga paraan kung paano maipapasa sa Kamara ang mga panukalang batas na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Marami na siyang natutunan, sabi ko nga kung matuloy kang congressman very qualified ka na. Mas qualified ka doon sa mga ibang bagong pasok na walang pinagdaanan na ganyan. Interesado siya [na tumakbo],” ani Marcos na makailang ulit din naging kinatawan ng isang distrito sa Ilocos Norte bago pa man naging senador.
Hindi rin aniya matatawaran ang sikap, sipag at tiyaga ng batang Marcos.
“For the last two years, si Sandro nagtatrabaho sa opis ng Majority Floor Leader sa House of Representatives. Boss niya si Cong. Martin, si Majo or Congressman Martin Romualdez. Sabi ko ano marami ka namang natututunan? Sabi niya alam ko na ang patakbo dito at alam ko na kung papaano ang iba’t ibang style ng mga congressmen,” dagdag pa nito.
Bagama’t hindi pa aniya nakapagpapasya ang batang Marcos hinggil sa planong pagpasok sa pulitika, maging si Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc ay buong tiyaga umanong tumutulong kay Sandro upang lalo pang maunawaan ang local politics. Si Gov. Manotoc ay anak ni Senador Imee Marcos.
“Mukhang inisip niyang mabuti at tinitingnan nga niya na baka puwede na siya sa darating na eleksyon. Puwede siyang tumakbo bilang kongresista sa 1st District ng Ilocos Norte,” buong pagmamalaki ng amang dating senador.
“Although hindi pa siya nakakapag-finalize, umiikot-ikot na siya at tinitingnan niya [ang distrito]. Siyempre nandiyan naman ako at nandiyan ang kanyang pinsan, si Governor Manotoc, at least naga-guide namin siya,” pagtatapat niya.
Bukod sa Bachelor’s Degree, ang nakababatang Marcos ay nakapagtapos din ng kanyang master’s degree in Development Studies sa London School of Economics and Political Science.
“Oo nagkataon ang kanyang masters ay developmental economics kaya sabi ko bagay na bagay na turuan niya kaming lahat para makagawa ng plano after COVID (coronavirus disease-19) kasi iyung mga economics namin obsolete na. Siya ilang taon pa lang nag-graduate, lahat ng mga libro niya binabasa ko at lahat ng mga essay niya binabasa ko rin,” pahabol pa ni Marcos. (FERNAN ANGELES)
382 