UPANG maiwasan ang agam-agam sa polisiya ng pamahalaan, minabuti ng Bureau of Customs – Port of Cebu na iprisinta ang mga takdang alituntunin at umiiral na proseso hinggil sa pagpasok ng mga pagkain at produktong pang-agrikultura sa bansa.
Sa ginanap na virtual Agri and Food Committee Conference na pinangunahan ng Dutch Chamber of Commerce in the Philippines, inilatag ng BOC-Port of Cebu ang proseso sa pagkuha ng clearance para sa mga inaangkat na pagkain at produktong pang-agrikultura.
Mismong si Deputy District Collector for Assessment Lemuel Erwin Romero ang nanguna sa pagtalakay ng sanib-pwersang programa sa pagitan ng iba pang regulatory agencies ng pamahalaan – kabilang ang Bureau of Animal Industry at Bureau of Plant Industry.
Tinalakay naman ni District Collector Charlito Martin Mendoza, kasama ang hepe ng Entry Processing Unit na si Jessica Luzano, ang kahalagahan ng nasabing pagpupulong na anila’y nagbigay tinig sa iba pang mga katuwang sa industriya.
“Nakakalugod na mayroon na tayong ganitong mga pagpupulong kung saan direkta nating naririnig mula mismo sa mga stakeholders ang kanilang mga agam-agam na kaagad din namang
sinasagot at tinutugunan ng mga kawanihang may kinalaman sa kanilang inihaing usapin,” ani Mendoza kaugnay ng isyu ng proseso sa pagkuha ng clearance mula sa BOC.
“Patunay itong sinusuportahan ng ating pamahalaan ang sektor ng pagnenegosyo,” saad naman ni Luzano.
Bahagi ng paksa sa nasabing virtual meeting ang kawalan ng kaalaman ng ilang importer ng mga agricultural products mula sa bansang Netherlands. Ang Netherlands ay pangalawa sa
pinakamalaking exporter ng kanilang mga agricultural products na karaniwang inililipad pa patungo sa mga bansang kasapi ng European Union.
Gayunpaman, umaangkat din ang Pilipinas mula sa nasabing bansa ng kanilang agricultural products na karaniwang dumadaong sa Manila International Container Port, Port of NAIA, Port of Manila at maging sa Subic.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na hangad ng kanilang kawanihan ay paigtingin ang ugnayan ng mga nasa food and agricultural product importation industry upang tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
(JOEL O. AMONGO)
