(BERNARD TAGUINOD)
PASADO na sa ikalawang pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magpapataw ng multang hindi bababa ng P100,000 sa mga nuisance candidate o panggulong kandidato tuwing panahon ng halalan.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, pinagtibay sa plenaryo ng Kamara ang House Bill (HB) 9557 na nag-aamyenda sa Section 69 ng Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code of the Philippines.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na tuwing panahon ng eleksyon ay mayroong naghahain ng kanilang certificates of candidacy (COC) sa kabila pa ng kawalan ng kakayahang mangampanya.
Pasok din sa kategorya ng nuisance candidates ang mga nagtataglay ng apelyido ng isang establisadong personalidad na kumakandidato. Naging kalakaran sa takbo ng pulitika ang pagsusumite ng mga indibidwal ng kanilang COC upang hatiin – kung hindi man guluhin ang halalan, lokal man o nasyunal.
Dahil dito, naghain ng panukala ang mga mambabatas para patawan ng parusa ang mga nuisance candidates bunsod na din ng paulit-ulit na pangyayari sa tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon.
Sa sandaling maging ganap na batas ang nasabing panukala, papatawan ng multang hindi bababa sa P100,000 ang sinomang nuisance candidate batay sa magiging hatol ng Commission on Election (Comelec).
Maging ang mga politiko o grupo na nagtulak sa isang nuisance candidate na maghain ng COC para sirain ang diskarte ng kanilang mga kalaban sa pulitika ay papatawan ng kahalintulad na multa.
“….any person named in the verified petition and found to have been in conspiracy with or to have induced the person to file such a certificate shall likewise be made to pay a fine of a minimum of one hundred thousand pesos (P100,000.00),” ayon sa pinagtibay na panukala.
Inaatasan din ng nasabing panukala ang Comelec na resolbahin ang lahat ng petisyon na kumukuwestiyon sa COC ng isang nuisance candidate sa loob ng limang araw at pagmultahin agad ang mga ito kasama ang kanilang mga kasapakat.
122 