(BERNARD TAGUINOD)
SUKDULANG kapal ng mukha kung ilarawan ng mga mambabatas si Health Secretary Francisco Duque bunsod ng pinakahuling audit report na isinagawa ng Commission on Audit sa Department of Health, kasabay ng panibagong bugso ng panawagan para sa kanyang pagbibitiw.
Sa isang pahayag, tahasang sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na higit pa sa sapat na dahilan para sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque na minsan pang nakaladkad sa usapin ng katiwalian sa ahensyang kanyang pinamumunuan.
Aniya, ang COA report mismo ang patunay na patuloy ang katiwalian sa DOH, taliwas sa mga naunang pahayag ng nasabing kalihim.
Partikular na tinukoy ni Cullamat – kasama ang iba pang progresibong mambabatas, ang mga diumano’y maanomalyang paggamit sa P67-bilyong pondong nakalaan bilang pangtugon sa suliranin kaugnay sa pandemya.
“Sino ba ang paniniwalaan – ang DOH na nagpahayag na walang kinukurakot? O ang COA na may tungkuling bantayan ang mga pondo ng bayan na inilagak sa bawat ahensya para sa pangangailangan ng mamamayan?,” hirit ni Cullamat, sabay apela kay Duque na magbitiw na sa pwesto.
Bunsod nito, isusulong ng nasabing kongresista ang isang panibagong imbestigasyon ng Kamara sa layong alamin kung paano nagamit ang lahat ng COVID-19 funds.
“Nag-iba na ang konteksto ng DOH sa kasabihang “Health is Wealth.” Imbes na matulungan ang mga nangangailangan ngayong panahon ng krisis pangkalusugan, ang DOH ay pinanatili na malusog ang kanilang bulsa – talaga namang ‘health is wealth’ para sa mga namumuno sa gobyerno,” alegasyon pa ng mambabatas.
Ganito din ang tema ng pahayag ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas na kaya hindi na aniya nakakapagtakang patuloy na nanalasa ang pandemya sa bansa at kailangang managot aniya dito si Duque.
“Habang kapos na kapos na sa suporta ang public health system natin sa gitna ng pandemya, nagawa pa ng DOH na madyikin ang pondo ng bayan na para sana sa suporta sa mga ospital at pambili ng medical equipment. Nakamamatay ang ganitong krimen sa paglustay ng pondo, at dapat managot si Sec. Duque at si Duterte,” ani Brosas.
Tinawag naman ni ACT Teacher partylist Rep. France Castro na “makapal ang mukha” si Duque matapos nitong itanggi ang katiwalian sa paggamit ng pondo ng ahensya para labanan ang pandemya.
“May kapal pa ng mukha si Secretary Duque na sabihing walang corruption. Yung misused of funds, yung prinocure na medicine na malapit nang maexpire o nag-expire na wala bang corruption dito? So di ko alam kung saan kumukuha ng kapal ng mukha si Secretary Duque,” ani Castro.
Dismayado din ang mga nabanggit na mambabatas dahil mahigit P24 bilyon umano ang hindi ginamit na pondo ng DOH noong 2020 gayung hirap na hirap ang mga tao sa pandemya at kailangan ang agarang tulong ng gobyerno.
Hihimayin sa budget deliberation
Kaugnay nito, hihimayin ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang natuklasang P67.32 bilyong anomalya ng COA sa pondo ng DOH laban sa COVID-19 kahit ayaw itong imbestigahan ni Senador Richard Gordon.
Nitong Huwebes, tinanggihan ni Gordon, chairman ang Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan sa naturang anomalya dahil masisira umano ang pokus ng bansa laban sa COVID-19.
“The issue on the DOH’s management of pandemic response funds will definitely be taken up during the deliberations of the DOH’s 2022 budget, once the Senate starts the hearings before approving their budget. This is among the many other issues hounding the agency,” ayon kay Lacson.
“That said, I remember that during DOH Sec. Francisco Duque III’s confirmation hearings at the Commission on Appointments, I asked him some questions on DOH’s supply chain issues and what he intended to do to resolve those issues,” dagdag ni Lacson.
“He could not answer my questions satisfactorily, if at all,” aniya.
Dahil dito, naitanong ni Lacson sa sarili kung nagugulat siya sa hindi pagtugon ni Duque sa kanyang mga katanungan noong deliberasyon ng Commission on Appointment (CA) sa kanyang kumpirmasyon.
Senate probe iginiit
Hinikayat naman ni Senador Grace Poe ang Senado na imbestigahan ang naturang usapin.
“These funds were provided to strengthen the agency’s health resources in light of the COVID-19 pandemic, but the implementation deficiencies denied our countrymen their right to health at a time when it is most needed,” ayon kay Poe sa inihaing resolusyon.
“Instead of being utilized to support and boost the country’s pandemic response, the funds either remained idle or were not properly and immediately used for their purpose,” giit pa niya.
Alinsunod sa audit report, tinukoy ng COA ang deficiencies sa hindi pagtupad ng DOH sa ilang mahahalagang batas at regulasyon kabilang ang hindi paggamit ng pondo sa pinaglaanan nito, mababa at zero utilization, hindi tumpak na charging ng transaksyon, doubtful liquidations, procurement without legal basis, at procedural flaws.
Ilan sa natuklasan ng COA sa report ang procedural deficiencies sa procurement process, kawalan ng dokumentasyon at pagkukulang sa implementasyon ng DOH sa ilang proyekto na kinasasangkutan ng mahigit P3.967 bilyon.
Natuklasan din ng COA ang P95.675 milyong halaga ng gamot at imbentaryo na pawang expired o malapit nang ma-expired sanhi ng kawalang ng procurement planning, poor distribution at kahinaan sa internal controls ng DOH.
Pinasasagot ng Malakanyang
Samantala, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Secretary Duque na sagutin ang obserbasyon ng Commission on Audit.
“Well, ang instruction po ng presidente ay saguting mabuti ang mga observation ng COA. Iba kasi itong nature ng observation ng COA noh? kung sa dati-rati eh mga politiko lang ang mga nagbibigay ng paratang. Ang COA po kasi ay isang constitutional body at talagang ang trabaho niyan eh bantayan ang kaban ng bayan,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
“So, importante na sagutin nang mabuti ang mga obserbasyon na ito. Ang presidente naman is withholding judgement until after makasumite ng komento ang DoH at magkaroon ng final report ang COA,” dagdag na pahayag nito.
Sa ngayon aniya ay premature pa ang obserbasyon ng COA dahil sasagot pa lamang ang DoH.
Ang pakiusap ni Sec. Roque sa publiko ay hintayin ang magiging sagot ng DOH. (May dagdag na ulat sina ESTONG REYES at CHRISTIAN DALE)
153 