KASALUKUYANG nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para mahanap ang isa nilang ahente na hinihinalang dinukot ng sindikato.
Una rito, nagtatag ng 20-man team Special Task Force ang PDEA para tumutok sa paghahanap kay Investigation Agent I Merton Fesway.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, “Inatasan ko na ang aming CIDG director, Police Maj. Gen. Bert Ferro, na makipag-ugnayan sa PDEA upang alamin kung paano makatutulong ang PNP sa paghahanap kay Investigation Agent I Merton T. Fesway.”
Dagdag pa niya, “Magkasangga ang PNP at PDEA laban sa mga sindikato ng droga at ano mang pag-atake laban sa kahit isang miyembro ng PDEA ay itinuturing na rin naming pag-atake sa PNP.”
Ayon sa PDEA, si Fesway na nakatalaga sa PDEA Regional Office III Pampanga Provincial Office ay napaulat na nawawala noon pang Hunyo 25.
Makikipagkita sana siya sa kanyang impormante bago ang kanyang pagkawala.
“Makakaasa ang ating mga kapatid sa PDEA na kami ay pakikipagtulungan upang agad na malutas ang kasong ito,” wika ni P/Gen Eleazar.
Sinabi pa ng PNP chief, “Nananawagan din ang PNP sa publiko na kung may hawak silang impormasyon sa pagkawala ni Fesway ay agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin siya nahahanap.” (JESSE KABEL)
224 