CAVITE – Nadakip ang dalawang kalalakihan matapos baklasin at tangayin ang perimeter fence ng Cavitex at ibenta sa junkshop sa Bacoor City noong Huwebes ng hapon.
Kasong paglabag sa PD 1612 (Anti-Fencing Law) ang kinahaharap ng arestadong mga suspek sina Ben Villa, 34, at Arjay Castillo, 34, dahil sa reklamo ni Jonathan Marabe, kinatawan ng Cavitex.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Albert Badocdoc ng Bacoor City Police Station, dakong alas-4:20 ng hapon nang naaktuhan ng mga security guard ng Cavitex na sina Jessie Dumadapat at Rodel Nitro, sa aktong ibinebenta ng mga suspek ang ilang bakal na poste ng Cavitex na P122,230 halaga, sa isang junkshop sa Brgy. Zapote 5, Bacoor City.
Gayunman, nang makatunog ang mga suspek ay tumakbo ang mga ito ngunit sa tulong ng mga barangay tanod ng Brgy. Zapote 5 ay natunton na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nauna rito, nagsagsawa ng surveillance operation ang mga security guard ng Cavitex nang napansin na nawawala ang ilang poste nito hanggang sa may nagsumbong na ibinebenta ito sa isang junkshop. (SIGFRED ADSUARA)
184 