P5-T NAT’L BUDGET PASESERTIPIKAHAN BILANG URGENT BILL

HIHILINGIN ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan bilang urgent bill ang 2022 national budget na nagkakahalaga ng mahigit P5 Trillion.

Kasabay nito, hindi ikinabahala ni House appropropriation committee chairman Eric Yap na maaapektuhan ang pambansang pondo sa pagbibitiw ni Budget Secretary Wendel Avisado na tinanggap ng Malacañang kahapon.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Yap na kailangang matapos ang pagdinig sa pambansang pondo bago mag-break ang Kongreso simula Oktubre 1 dahil maghahain ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga tatakbo sa 2022 national at local election.

“Ang break kasi ng Kongreso…yun ang problema natin… October 1. Kailangang matulungan din tayo ng Executive and magre-request din kami na ma-certify as urgent itong budget na ito so (that) makapag-second at third reading tayo ng September 29 or 30,” ayon sa mambabatas.

Inaasahan na isusumite na ng DBM ang proposed budget sa Agosto 20 hanggang 23 at matapos aniya ang tatlong araw ay sisimulan na ang budget deliberation sa komite.

Mas lalong kailangan umano na masertipikahan bilang urgent ang 2022 general appropriations act (GAA) dahil tiyak na kakain ng oras ang pagdinig sa mga budget ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, tiniyak ni Yap na hindi maaapektuhan ang pambansang pondo sa pagre-resign ni Avisado dahil kayang-kaya umano ng mga tauhan ng DBM na idepensa ang pambansang pondo.

“It’s a sad news (ang pagre-resign ni Avisado) dahil alam naman natin na si Secretary Wendell ay isang masipag na secretary kaya lang due to his health kailangan niya talagang magpahinga. Im confident na kayang-kaya naman na yung budget hindi po siya maantala dahil maraming competent na empleyado ng DBM tulad na lang ni OIC Tina Rose Marie Canda,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment