REPATRIATION NG MGA PINOY SA AFGHANISTAN BILISAN

HINIMOK ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na bilisan ang repatriation ng mga Pinoy na naiipit ngayon sa kaguluhan sa Afghanistan matapos muling makubkob ng Taliban Group ang nasabing bansa.

Ayon kay Tolentino, dapat paspasan ng DFA at DOLE ang paglikas sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho sa nasabing bansa sa gitnang Asya matapos i-takeover ng mga Taliban ang presidential palace at ang buong kapitolyo nito sa Kabul.

“As the humanitarian, political, and security crisis in Afghanistan continues to worsen, the need to immediately repatriate the remaining Filipinos in Afghanistan becomes even more urgent as each day passes,” paliwanag ni Tolentino.

Laman din ngayon ng balita ang pagtakas ni Afghan leader Ashraf Ghani papunta sa kadikit nitong bansa sa Tajikistan matapos kubkobin ng mga Taliban ang Kabul nitong Agosto 16.

Base sa ulat ng Embahada ng Pilipinas sa Islamabad, Pakistan, tinatayang nasa 200 mga Pinoy pa ang nasa Afghanistan—karamihan ay nagtatrabaho bilang mga hotel manager, propesor, accountant, company managers, at inhinyero.

Tinatayang nasa 75 na mga Pinoy ang kasalukuyang naka-abang sa gagawing unang batch ng repatriation, ayon sa DFA.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8042, o ang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995,” obligado ang DFA at DOLE na magsanib pwersa upang siguraduhin ang kaligtasan ng mga OFWs at iba pang Pinoy migrant workers sa panahon ng kagipitan—digmaan man o iba pang trahedya/kalamidad—sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. (ESTONG REYES)

119

Related posts

Leave a Comment