DUQUE EMOSYONAL, NANUMBAT SA HOUSE HEARING

NAGING emosyonal si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng House committee on public account sa P67.3 billion pondo sa COVID-19 pandemic response na sinasabi ng Commission on Audit (COA) na nagkaroon ng problema sa paggastos.

“Mula noong Wednesday na lumabas po ito (COA report), hindi na po ako nakakatulog, ang mga kasama kong mga opisyal sa DOH, hindi na rin halos nakakatulog. Bakit ‘ka ninyo? Sa kahihiyan,” ani Duque na mariing itinanggi na mayroong katiwalian sa kinukuwestiyong pondo.

Pangunahing inirereklamo ni Duque ang pagpapalabas ng COA ng kanilang report gayung binigyan umano sila ng komisyon ng araw para sagutin ang mga kinukuwestiyong pondo.

“Winarak na ninyo kami eh, winarak na ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama ko dito, hindi kami makaharap sa mga tao dahil lahat ang dami-daming sinasabi, ang dami-daming paratang. Wala pa rin akong tulog, ilang gabi na po ito,” dagdag pa nito.

Inamin ng Kalahim na labis umano silang nasaktan sa nasabing isyu na inilabas sa gitna ng kaabalahan ng mga ito para tugunan ang problema sa COVID-19 pandemic at nasisira ang imahe ng ahensya dahil pinalalabas na may nawawalang pondo.

“Por diyos por Santo, maawa naman kayo, kayo nga ang pumunta dito at kayo ang gumawa?” ayon pa kay Duque.

Bago ito ay kinastigo ang DOH matapos matuklasan sa pagdinig na 73% lamang umano ng health workers sa bansa ang nakatanggap ng allowance and benefits sa ilalim ng Bayanihan 2.

Nabatid na umaabot sa 526,547 eligible healthcare workers sa buong bansa ang binigyan allowance at benepisyo na nagkakahalaga ng P25,000 bawat isa subalit umaabot pa umano sa 150,000 ang hindi nakatatanggap.

Sinimulang ipatupad ang Bayanihan 2 noong Setyembre 2020 at bago ito napaso noong Disyembre 2020 ay pinalawig ito ng Kongreso hanggang Hunyo 30, 2021. (BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment