ITATALAGA ang kauna-unahang Olympics gold medallist na si Hidilyn Diaz bilang national women’s weightlifting coach.
Ito ang tiniyak ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentebella.
“Marami na siyang natutunan simula pa lamang sa training hanggang sa maging Olympics gold medallist siya (Diaz). Mas madami pa siyang matutulungan na kabataan at kababayan natin
sakaling magsabi siya na hindi na niya kaya, at gusto na niyang magpamilya,” ani Puentebella sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum online kahapon.
Umaasa naman ang SWP prexy na muling mapagbibigyan ng Philippine Sports Commission na makakuha ng makakapalit ni Chinese coach Kaiwen Gao.
“Hindi na natin makukuha si coach Gao dahil sikat na siya ngayon doon sa China. Plano namin kumuha muli ng ibang Chinese coach kung mabibigyan tayo, pero mahihirapan na siguro tayo.”
Pero may mga magagaling namang Pilipinong coaches gaya nina Ramon Solis, Tony Agustin at iba pa, ayon kay Puentebella.
Ipinagmalaki naman niya ang apat na babaeng weightlifters na posibleng sumunod umano sa yapak ni Diaz. Sila ay sina Vanessa Sarno, Elreen Ann Ando, Kristel Macrohon at Rosejie Ramos.
Samantala, nakatakdang bumalik sa Malaysia si Diaz upang maghanda sa pagtatanggol niya sa kanyang titulo sa World Championships na gaganapin sa Lima, Peru sa Setyembre.
377 