KAPITAN, 4 KASAMA SUGATAN SA AMBUSH

SUGATAN ang isang barangay chairman at apat na kasamahan nito matapos tambangan ng armadong kalalakihan na hinihinalang mga kasapi ng New People’s Army, noong Martes ng gabi sa Brgy. Tubod, Placer, Masbate.

Ayon sa ulat na ibinahagi ng PNP-Police Regional Office 5, sa pamumuno ni Regional Director Jonnel C. Estomo, mula sa Masbate Police Provincial Office, napatay naman ang isa sa hindi pa kilalang mga suspek.

Ayon sa Masbate Police Provincial Office, alas-singko noong Martes ng hapon, nakatanggap sila ng tawag mula sa Placer Municipal Police Station hinggil sa nangyaring pananambang sa grupo ni Valiente Mangubat y Diamos, punong barangay ng Brgy. Villa Inocencio, Placer, Masbate.

Naglalakad umano ang grupo ng kapitan ng barangay matapos dumalo sa isang hapunan nang bigla silang paulanan ng bala ng hinihinalang mga NPA.

Bagama’t sugatan, gumanti ng putok ang mga kasama ng kapitan na ikinamatay ng isa sa mga suspek.

Kinilala ang iba pang mga biktima na sina Ramil Argawanon y Pagal 42; Tedecio Enero y Quilong-Quilong, 57; Rei Dietro y Canta, 26; at Marlon Areglo y Ihis, 17-anyos, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Bicol upang matukoy ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek.

Tinitingnan din ang bawat anggulo upang matukoy ang tunay na motibo ng pamamaril. (JESSE KABEL)

231

Related posts

Leave a Comment