HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga local government unit (LGUs) na magtalaga ng sign language interpreters upang matulungan ang mga pipi at bingi na nakatakdang tumanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Ibinahagi ni Gatchalian ang halimbawa ng Valenzuela kung saan may mga sign language interpreter sa mga COVID-19 vaccination center.
Maliban sa pagpapabakuna, makatutulong din ang mga sign language interpreter sa pamamahagi ng ayuda, paliwanag ng mambabatas.
“Importanteng maalalayan natin nang husto ang mga PWDs (persons with disabilities) natin lalo na’t hindi lahat ay may guardians. Sa amin sa Valenzuela, as much as possible nagbabayad kami ng mga sign language interpreters para maka-communicate sila,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11106 o ang Filipino Sign Language Act, ang FSL ay kinikilala bilang pambansang sign language ng Pilipinas.
Isinusulong at sinusuportahan ng naturang batas ang paggamit sa FSL sa komunikasyon at transaksyon para sa mamamayang may problema sa pandinig. Si Gatchalian ay isa sa mga co-author ng naturang batas.
Isinusulong din ang FSL sa ilalim ng mga batas tulad ng Republic Act No. 10410 o ang Early Years Act of 2013 at ang Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.
Si Gatchalian din ang sponsor at co-author ng Senate Bill No. 1907 o Instituting Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act. Isinusulong ng panukalang batas ang pagkakaroon ng Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Ang mga panukalang ILRC ay maghahatid ng mga serbisyo tulad ng mga linguistic solutions para sa mga deaf learners, speech-language pathology and audiology services, physical and occupational therapy, counseling and rehabilitation, serbisyong medikal at transportasyon, at iba pa.
Magkakaroon ang mga ILRC ng mga multidisciplinary teams na binubuo ng mga propesyonal at mga eksperto tulad ng mga special needs teachers, educational psychologists, guidance counselors, psychometricians, developmental pediatricians, physical therapists, speech and language therapists, at iba pa. (ESTONG REYES)
216 