NANATILING click sa mga Filipino ang pag-inom ng alak at paghitit ng sigarilyo sa kabila pa ng banta ng pandemya, ayon sa survey na pinangasiwaan ng Department of Health.
Sa ikalawang ‘mobile phone survey’ ng DOH, lumalabas na 40.1% ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang patuloy na tumatangkilik sa mga nakalalasing na inumin habang nasa 15.5% naman ang hitit-buga pa din ng sigarilyo.
Babala pa ng DOH, hindi hamak na mas mataas ang risk factor sa pag-inom ng alak ng 40.1% ng mga respondents na umaming sila’t patuloy pa din sa pagkonsumo ng nakalalasing na inumin sa mga panahong itinakda sa naturang survey.
Sa nasabing bilang, higit na marami ang mga lalaki na nasa 51.4% habang nagtala naman ng 28.9% ang mga kababaihan.
Isa sa bawat tatlong respondents ang nagsabing nakaka-anim o higit pang bote ng alak sila kada okasyon. Mas malaking bahagdan din ng mga lalaki ang mga ‘heavy drinker’.
Sa 15.5% na naninigarilyong respondents, 22.6% ay mga lalaki at 8.5% ay babae. Isa sa bawat 10 smokers na lalaki ay umamin na araw-araw silang naninigarilyo habang ang iba ay kung may pambili lang.
Pagdating sa pagkain ng masusustansyang pagkain tulad ng mga prutas, nasa 90.1% ng mga respondents ang nagsabi na hindi nila nasusunod ang pagkain ng limang servings ng prutas o gulay kada araw. Mas mababa pa sa 1% ang nagsabi na hindi sila talaga kumakain nito.
“NCDs (non-communicable diseases) continue to contribute to death and disability in the Philippines, but their effects can be reversed by modification of daily behavior habits including reducing tobacco use, harmful use of alcohol, unhealthy diet, and physical inactivity,” saad ng kagawaran.
Layon ng pag-aaral na makalikha at mapalakas ang kanilang mga estratehiya para sa kalusugan ng mga Pilipino upang maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga sakit na hindi nakakahawa. (RENE CRISOSTOMO)
670 