DISMAYADO si Senador Joel Villanueva sa kabiguan ng Department of Health na maipamahagi sa mga health workers ang lahat ng kanilang pondo para sa special risk allowance.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinuwestyon ni Villanueva kung bakit sa P9.02 bilyong pondo para sa special risk allowance, P6.93 bilyon lang ang nagastos.
“Sa P9.02B na special risk allowance para sa ating healthcare workers, P6.93B lang ang nabahagi sa kanila, ayon sa DOH. Ano na po ang nangyari sa P2.09B na balanse? This undisbursed amount could have compensated over 70k healthcare workers at the very least Nakakadismaya,” saad ni Villanueva.
Samantala, kinastigo nina Senador Richard Gordon at Franklin Drilon ang DOH sa paglilimita sa mga health workers na nagsisilbi sa COVID 19 wards ang pagbibigay ng special risk allowance (SRA) at active hazard pay.
“We cannot play God here because this is a very serious pandemic and we would like to pay all these people,” saad ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon.
Binigyang-diin ni Gordon na lahat ng medical workers sa mga pagamutan ay dapat na makatanggap ng benepisyo dahil lahat naman ay na-eexpose sa virus.
“Hindi ba toxic ‘yung situation sa ospital? Why are we playing God? Na pagka nandun ‘yung tao, doktor natin, nurse natin, kahit na wala siya sa COVID ward, mae-expose siya. mae-expose pati pamilya niya,” diin ni Gordon.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sinusunod lamang nila ang probisyon sa Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2, na nagsasaad na ang benepisyo ay para sa mga healthcare workers na may direktang kontak sa COVID 19 patients.
Iginiit naman ni Gordon na mayroong God-like powers ang DOH at maaari silang maging liberal sa pagpapatupad ng batas.
“You’re God. We don’t want to play God. We are assuming–and my colleagues can bear me out on this–we are assuming that COVID respects no boundaries, it respects nobody,” diin ni Gordon.
Kinatigan naman ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at iginiit na dahil social benefit ang mga benepisyong pinag-uusapan dapat lamang na maging maluwag sa pagpapatupad ng batas. (DANG SAMSON-GARCIA)
182 