HEALTH WORKERS PROTEST VS DUQUE TULOY!

HINDI titigil ang ilang health workers mula sa mga ­pribado at ­pampublikong ospital sa bansa sa kanilang panawagan na magbitiw si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque.

Ito ang pagtitiyak ni Union President of St. Luke’s Medical Center Employees Association Roldan Clumia.

Ito ang inihayag ni Clumia sa panayam sa kanya ng mga taga-media ­kamakailan.

“Huwag n’yo kaming lokohin. Kaya kami nandito, ubos na at sagad na, ang budget na ‘yun hindi galing sa gobyerno. Wala silang alalay na binigay sa private hospital,” dagdag pa niya.

Kamakailan, sinabi ng DOH na ang mga benepisyo sa ilalim Bayanihan 2 ay nai-release na sa health workers.

Sa kabila ng pagsasabi ng DOH na nai-release na ang mga benepisyo ng mga health worker ay ­marami pa rin ang ­nagsasabi sa kanila na hindi pa sila nakatatanggap nito.

May punto ang sinasabi ni Clumia na kung nakatanggap na sila ng mga benepisyo na sinasabi ng DOH, ay hindi na sila mag-iingay at aangal pa.

Kaya nga ikakasa na nila ang malawakang protesta para pagbitiwin si Sec. Duque.

Sinundan pa ito ng pagbubulgar ng Commission on Audit (COA) sa pag-report ng ‘deficiencies’ ng DOH sa P67.3 bilyong budget.

Ang problema nga lang sa kabila ng mga panawagan na magbitiw na si Duque ay muli na naman siyang ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte.

At sinisi pa niya ang COA sa inilabas nitong report kaugnay sa hindi tamang paggamit ng budget ng DOH para sa COVID-19 response.

Kaya maraming dismayado sa pahayag ni Pangulong Duterte, lalo na si Cong. Edcel Lagman ng Bicol.

Nariyan pa ang akusasyon laban sa DOH hinggil sa mga na-expired at pa-expire na mga gamot.

Kaya naman malakas ang loob ni Duque na manatili sa kanyang pwesto kahit na marami ang nanawagan sa kanya na magbitiw na siya ay dahil sa pagtatanggol sa kanya ni Pangulong Duterte.

Sinabi pa ni Clumia na hindi rin nila ramdam ang sinasabi ni Duque na tulong sa private at public hospitals.

Nagbigay ang grupo ni Clumia ng 10-araw para maisagawa nila ang kanilang sinasabing kilos protesta.

Kaya inaabangan ng marami ang isasagawang protesta ng mga health worker mula sa private at public hospitals at kung patuloy pa rin na ipagtatanggol ni Pangulong Duterte si Duque.

Siyempre ‘pag natuloy ang protesta ng mga health worker ay siguradong maaapektuhan ang mga pasyente sa mga ospital na kanilang pinagsisilbihan.

Ang ipinagtataka lang ng PUNA ay kung sinasabi ng DOH na nai-release na ang pondo na ayuda para sa mga health worker, saan ito napunta?

Bakit hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagrereklamo mula sa mga health worker?

Abangan na lang po natin ang protestang isasagawa.

Hindi biro po kasi ang kanilang mga trabaho bilang mga frontliner ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cel# 0919-259-59-07.

148

Related posts

Leave a Comment