PINAGPAPALIWANAG ng Commission on Audit (COA) ang namamahala sa People’s Television Network Inc. (PTV) kaugnay ng P189.782 milyong halaga ng pasahod nito sa mga empleyado ng nasabing istasyon nito lamang nakaraang taon.
Partikular na tinukoy ng COA sa kanilang pagsusuri ang legalidad ng sistemang pinaiiral ng PTV sa pagpapasahod ng kanilang mga empleyado.
Ayon sa COA, kulang-kulang at magkaminsa’y sablay ang mga isinumiteng Daily Time Records ng nasabing government TV station, kasabay ng pasaring sa pamunuan nito hinggil sa umano’y paglabag nito sa Presidential Decree No. 1445 (Government Auditing Code of the Philippines) at maging sa COA Circular No. 2012-001.
Base sa pagtutuos ng COA, kabilang sa mga tumanggap ng kwestyunableng pasahod ay mga empleyadong klasipikado bilang regular, contractual at maging ang mga nasa ilalim ng kontrobersyal na contract of service (COS) na napabalitang unit na kinabibilangan ng mga government trolls.
“The audit team would like to point out that this practice of submitting incomplete supporting documents specifically the DTRs for the payments of salaries of permanent, contractual and COS personnel has been observed for several years now,” saad ng COA sa kanilang audit report.
Ayon pa sa mga state auditors, Disyembre 2020 na nang nakapagsumite ng DTR para sa unang anim na buwan ng 2020 ang mga COS personnel ng PTV. Dagdag pa ng COA, agad nilang ibinalik ito sa PTV noong Disyembre ng nakaraan ding taon dahil anila sa mga kulang na dokumento.
Wala rin anilang lagda ang mga empleyado maging ang mga supervisors ng nasabing TV station na pag-aari at pinatatakbo ng pamahalaan.
“We reiterated our previous year’s recommendation that management require the administrative division to submit the properly filled up and signed/approved DTRs of permanent, contractual and COS personnel, otherwise, payments will be suspended in audit,” dugtong pa ng COA audit team.
Bukod sa kwestyunableng 2020 salary ng mga empleyado ng government TV network, hinahanap din ng COA ang mga kaukulang dokumento sa mga tumanggap ng sweldo para naman sa mga nakalipas na 2018 at 2019 calendar years.
Sa kabila pa ng babala pa ng COA na una nang nagsabing mapipilitan silang mag-isyu ng notices of suspension, wala pa din anilang tugon ang pamunuan ng istasyon.
Gayunpaman, naglabas ng isang pahayag ang pamunuan ng PTV:
“We take to heart the findings of the audit team and guarantee that our concerned offices are working hard to ensure that the recommendations are implemented,” saad ng PTV management. (FERNAN ANGELES)
