AUDIT REPORT NG COA PINABABAGO NI DUTERTE

PINAYUHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Commission on Audit (COA) na “reconfigure” o muling ayusin ang audit reports nito hinggil sa mga ahensiya ng pamahalaan matapos na agarang magpahayag na mayroong nagyaring iregularidad o kaduda-dudang paggasta.

Natuklasan kasi ng COA ang paraan ng pamamahala ng Department of Health sa P67.32 bilyon sa mga pondo ng pagtugon sa COVID-19.

“Alam ko walang malisya. You are just doing your duty,” ayon sa Pangulo sa kanyang Talk to the People, araw ng Sabado.

“But in making the report, kindly reconfigure everything and sabihin sa una, at the first instance, ‘pag ma-interview ka, sabihin mo na kaagad there is no corruption here, because there is no money involved,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.

Nauna rito, nagbigay rin ng suhestiyon si Pangulong Duterte sa COA na ipagpatuloy lamang ang mandato subalit iwasan ang pagpapalathala ng findings nito, dahil ang kagyat na pagpapalathala ay nakapagbibigay lamang ng mantsa sa ahensiya at lumalabas na may “corruption by perception.”

Sa ulat, patuloy pa rin ang paglalabas ng COA ng audit reports sa gitna ng pandemya at batikos mula mismo kay Pangulong Duterte.

Kabilang sa mga nasita ng COA ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil sa anila’y overpriced na sanitary napkins na nabili sa isang construction and trading company.

“The procured sanitary napkins (P10, P20, P30) per pad is very costly, the napkins can be bought in small sari-sari stores at P5 to P8 per pad only,” sabi ng COA sa report.

Ang mga sanitary napkin ay kasama ng hygiene kits at thermal scanners na binili dahil sa pandemya mula sa isang construction and trading business sa Pasay City, ayon sa COA report.

Pero pagtataka ng ahensya, hindi daw nakita ng auditors ang tindahang ito batay sa address sa resibong binigay ng OWWA.

Isa rin sa natuklasan ng COA ang biniling mga pangmeryenda ng OWWA na nagkakahalaga ng P300,000 mula sa isang caterer sa Quezon City, gayong may mga mabibilhan namang mga supermarket sa Pasay City kung nasaan ang ahensya.

Hindi rin pinalampas ng COA ang pagsita sa iba pang ahensya, tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil sa paglipat ng P160 milyon pondo papuntang

National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sabi ng COA, “highly questionable” o kaduda-duda ito dahil sa kakulangan ng “proper authority/legal basis.”

Depensa naman ng TESDA, ang paglalaan nila ng pondo sa NTF-ELCAC ay base sa EO 70 ni Pangulong Duterte.

Pinanindigan ni COA chairperson Michael Aguinaldo na wala silang motibong siraan ang mga ahensya ng gobyerno, at mandato lang nila sa Saligang Batas ang kanilang ginagawa.

“We have a constitutional mandate. We have to comply with that. I do have a force of about 9,000 people in COA who are very dedicated, very professional and committed to do the work that they do. We would like to assure the public, there is no concerted efforts or whatsoever,” aniya.

Idiniin din ni Aguinaldo na ang audit reports ay nasa website nila dahil mandato rin ito ng batas. (CHRISTIAN DALE)

148

Related posts

Leave a Comment